Magtipid tayo sa paggamit ng tubig
AYON sa ating mga ninuno ang katapat daw ng tubig ay buhay. Lahat tayong nabubuhay sa mundong ibabaw ay mahalaga ang tubig. Halos 90% na laman ng ating katawan ay tubig. Sa ating pang araw-araw na gawain tubig ang ating pangunahing ginagamit. Di bale nang magbrown-out araw-araw huwag lang mawalan ng tubig ang gripo sa ating mga tahanan. Kung walang kuryente makakagawa tayo ng paraan pero kung ang gripo natin ay walang dumadaloy na tubig malaking problema ang ating mararanasan.
Kahit sa mga magsasaka ay mahalaga rin ang tubig sa kanilang mga pananim. Dito sa ating bansa meron tayong National Irrigation Administration (NIA) kung saan nagpapagawa ng mga dam ang gobyerno. Malaking tulong ito para sa mga magsasaka dahil sagana sa tubig ang kanilang mga bukid. Nakakapag-ani sila ng palay hanggang second crop sa isang taon. Hindi lahat ng bukirin ay nabibigyan ng tubig, may mga bukid na natataniman ng palay tuwing tag-ulan lang.
Tulad ng Angat Dam sa Bulacan. Nasusustentuhan nito ang Pampanga, Bulacan at Metro Manila. Ninety seven percent ng tubig dito sa Metro Manila ay galing sa Angat kaya lang nitong mga nakaraang mga araw ay sunud-sunod na pag-ulan ang ating naranasan pero mukhang hindi nadagdagan ang tubig ng dam, kaya patuloy pa rin ang pagbaba ng level. Kung patuloy ang pagbaba ng tubig maaaring pagdating ng panahon ay makakaranas tayo ng krisis sa tubig dito sa Metro Manila. Ibig sabihin hinay-hinay na tayo sa paggamit ng tubig. Namemeligro rin ang Angat Dam kapag tumama na ang 7.2 na lindol dahil tatamaan ang mga lumang dike at may posibilidad na ito ay bumigay. Kahit na may sinasabi silang “Laiban Dam” na pampalit sa Angat Dam kailangan pa rin nating magtipid ng tubig.
Hangga’t maaga pa matuto tayong magtipid ng tubig para maiwasan ang tag-tuyot sa ating lugar.
- Latest