EDITORYAL - Mga sagabal sa kalsada, alisin
SA ikalawang State of the Nation Address (SONA) ni Pres. Rodrigo Duterte, ipinag-utos niya sa Metro Manila Development Authority (MMDA) na linisin ang mga kalsada sa anumang sagabal na nagpapasikip sa daloy ng trapiko. Lahat nang kalsada at mga daan ay nararapat na walang nakahambalang na mga bagay na nakahahadlang sa trapiko. Paluwagin ang kalsada sa Metro Manila.
Araw-araw ang nararanasang trapik sa Metro Manila at tila wala nang magawang paraan para masolusyunan. Ang dating 15 minutes na biyahe mula Trinoma patungong Cubao ay isang oras na dahil hindi na umuusad ang mga sasakyan. Nagmistulang malaking parking area ang kahabaan ng EDSA. Mula Cubao patungong Ortigas ay isang oras ang kailangang bunuin na dati ay 15 o 20 minutes lang nilalakbay. Mula Ortigas hanggang Guadalupe ay kalahating oras ang ginugugol na dati ay 10 minuto lang takbuhin. Malupit din ang trapik mula Guadalupe patungong Buendia-Ayala na usad-pagong ang mga sasakyan na inaabot ng kulang-kulang na isang oras.
Isa sa mga nakikitang dahilan ng trapik hindi lamang sa EDSA kundi pati na rin sa mga malala-king kalsada sa Metro Manila ay ang mga sagabal na sasakyan na nakaparada sa magkabilang gilid ng daan. Wala nang pakialam ang mga residente kung mag-park ng kanilang sasakyan sa kalsada. Bukod sa mga sasakyan, naghambalang din ang mga tindahan, karinderya na inookupa ang buong kalsada. May mga nagtayo ng carwash sa mismong kalsada samantalang ang iba ay naglagay ng basketball court at iba pang mga istruktura.
Malaking hamon kay MMDA Chairman Danilo Lim ang kautusan ng Presidente. Ngayong inatasan na siya, kailangang gawin niya ang lahat nang paraan para mapaluwag ang trapik sa Metro Manila. Alisin ang mga sagabal sa kalsada lalo na sa EDSA.
- Latest