HINDI NORMAL para sa isang pulis na may kinakaharap na kontrobersyal na kaso na makabalik sa serbisyo at magkaroon ng pagkakataon na ma-promote.
Ilang beses na tayong nakarinig ng mga balita na ang isang pulis ay sangkot sa isang krimen o kaso agad na pinasususpinde habang hindi pa natatapos ang imbestigasyon.
Sa kaso ni Supt. Marvin Marcos at labing walong pulis ay iba ang usapan.
Si Marcos ay iniimbestigahan dahil sa pagkamatay ni Albuera Mayor Rolando Espinosa Sr. na umano’y isang ‘narcopolitician’.
Isang inmate pa ang namatay na si Raul Yap noong Nobyembre 2016. Pinangunahan ni Marcos ang CIDG Region 8 sa pag-raid sa sub-provincial jail sa Leyte.
Naroon ang taga CIDG para mag-serve ng search warrant upang kumpiskahin ang mga armas ng Mayor na nasa detention cell pero nauwi sa barilan ang insidente dahil lumaban umano ang Mayor.
Kasong Murder ang unang reklamo sa grupo ni Marcos ngunit nang magbaba ng desisyon ang Department of Justice (DOJ) ay bumaba ang kaso sa Homicide na bailable.
Dapat pag magsasampa ka ng kaso you go for the higher offense at hayaan mo ang Korte na kapag nakita na kulang ang elemento ng Murder ang Hukom ang dapat magdesisyon.
Nailipat si Marcos sa CIDG Region 12 o SOCCSKSARGEN na binubuo ng South Cotabato, Cotabato, Sultan Kudarat, Sarangani at General Santos.
Ibinalik si Marcos sa pwesto bilang Regional Director matapos iutos ni Presidente Rodrigo Duterte kay PNP Gen. Ronald ‘Bato’ dela Rosa. Sayang daw ang pagpapasahod sa mga ito ng wala naman sa serbisyo at kinakailangan ng karagdagang pulis ngayon.
Ang iba namang kasamahan ni Marcos na inireklamo ay nai-assign sa Visayas at Mindanao.
Ayon kay Senator Panfilo Lacson may ranggong Senior Superintendent ang Regional Director ng Region 12. Nangangahulugan lang ito na malaki ang posibilidad na ma-promote si Marcos bilang Senior Superintendent.
Anim na buwan lang ang nakasaad sa batas na kailangang residency para maging kwalipikado sa promotion.
Matapang na sinabi ni Sen. Lacson na hindi niya nagustuhan o hindi siya masaya sa pagkakaroon ng promotion ni Marcos. Nakabantay daw ang Senado sa kanila lalo na’t nabigyan na ng daan si Marcos para ma-promote.
Sa naging hearing sa Senado nagkaroon ng konklusyon ang ilang Senador na mukhang may nangyayaring cover-up dito.
Ang Presidente naman ang itinuro ni Gen. Bato na nag-utos na ibalik sa serbisyo. Nang tanungin si Gen. Bato ni Sen. Grace Poe kung sinubukan niya bang magrekomenda kay Presidente na huwag munang bigyan ng assignment sina Marcos. Pahupain lang muna ang isyung ito ang sinagot ni Gen. Bato.
Iginiit daw ng Presidente na ibalik ang mga ito sa serbisyo at ginawa niya naman ito bilang order.
Inamin naman ni Gen. Bato na hindi masyadong normal ang pagbabalik sa pwesto ng mga may kasong pulis.
Baka makaapekto ito sa kredibilidad ng buong kapulisan ayon kay Sen. Bam Aquino.
Dagdag ni Gen. Bato dumaan sa legal na proseso ang desisyon tungkol kay Marcos at sa kanyang mga kasamahan.
Nakakataas din daw ito ng morale sa kanila dahil ang Presidente ay may isang salita. Nung sinabi ng Presidente na kapag nagkaproblema sila andyan lang siya para maging back-up.
Hindi sila papabayaan ng Presidente at naipakita niya ito sa kaso nina Marcos na sumunod lamang sa kanilang tungkulin.
Kapag Murder ang naikaso kay Marcos ay siguradong matatanggal siya sa serbisyo. Hindi din daw naipaliwanag ng mabuti sa resolusyon ni Justice Undersecretary Reynante Orceo kung bakit napababa ang kaso nina Marcos ayon kay Senate Minority Leader Franklin Drilon.
Idiniin ni Drilon na dapat ay hinayaan na lamang ni Orceo ang lower court na mag-convict kay Marcos sa kasong Homicide.
Sumang-ayon si Sen. Lacson na mukhang may cover-up nga nangyari dito dahil ang nang mag-file ng Petition for Review si Marcos ay naibaba ang kaso laban sa kanila.
Isa pang anggulo na kanilang pinagbasehan ay nag-file ng petisyon si Marcos nitong Abril 2017 lamang. Ayon sa DOJ circular ang undersecretaries na nakapangalan sa dokumento ay pwedeng mag-review ng apela o petisyon na nai-file mula ika-1 ng Hulyo hanggang ika-31 ng Disyembre 2016.
Sabi pa ni Gen. Bato naniniwala sila na may iregularidad kaya nahaharap sa suspensiyon sina Marcos at ang kanyang mga kasamahan at one rank demotion dahil may liabilities ang mga ito.
Wala din daw nakikitang dahilan si Gen. Bato para hindi sundin ang utos sa kaniya ni Presidente Duterte.
Nilinaw din naman ni Gen. Bato na kung sakaling masususpinde si Marcos pagkatapos ang Motion for reconsideration ay automatic na hindi ito magiging kwalipikado sa promotion. Mapapatawan din ito ng one rank demotion.
Sa ganang amin bakit minamadali ang lahat. Kung may imbestigasyon itong administratibo at hanggang hindi natatapos ito bakit kailangan i-promote?
Ipagpalagay na natin na nagtutulak ng droga ang mag-amang Espinosa pero ang daming anggulo ang dapat tingnan kung sila’y talagang lumaban.
Bago ka ipasok sa kulungan kakapkapan ka na parang sinusuyod ang iyong buong katawan. Saan nanggaling ang baril?
Kung ilalagay ko ang aking sarili sa posisyon ni Supt. Marvin Marcos hindi ba’t mas maganda na walang madilim na ulap sa ibabaw ng aking pagka-promote? Meron pang kasong Homicide na nakabinbin sa Korte. Hindi ba pwedeng maghintay na siya’y mapawalang sala kung talaga ngang siya’y inosente?
Habang buhay na magkakaroon ng bahid ng dugo ang titulong igagawad sa ‘yo.
PARA SA ANUMANG REAKSIYON o may problemang ligal maaari kayong magtext sa 09198972854, 09051090451 at sa gustong maka-usap ako ng diretso sa 710-3618.
Maaari din po ninyong i-like ang www.facebook.com/tonycalvento o i-type na rin ng diretso sa Facebook sa Tony A. Calvento at mag-iwan ng mensahe para sa inyong mga problema.
Hotline: 09198972854
Tel. No.: 7103618