EDITORYAL - Sino ang susunod?

BAGO nailibing ang limang miyembro ng pa­milya na minasaker sa San Jose del Monte City, Bulacan noong nakaraang linggo, dalawang “person of interest” ang pinatay ng mga hinihinalang vigilantes. Nangyari rin ang pagpatay isang araw makaraang dumalaw si Pres. Rodrigo Duterte sa burol ng mga minasaker.

Unang pinatay si Ronaldo Pacinos alyas “Inggo” na unang itinuro ng nadakip na suspect na si Carmelino Ibañez na kasama niya nang gawin ang karumal-dumal na krimen. Natagpuan si Pacinos ilang bloke ang layo sa bahay na pinangyarihan ng krimen. Maraming saksak sa katawan si Pacinos at nakapulupot ang fan belt sa leeg. Putol din ang apat na daliri sa kamay. May card board sa ibabaw ng bangkay na nakasulat na “addict at rapist ako huwag tularan.”

Noong Miyerkules, pinagbabaril hanggang mapatay ang ikalawang “person of interest” sa karumal-dumal na krimen. Dalawang lalaki na naka-bonnet at helmet ang pumasok sa bahay ni Rosevelt Merano Sorema alyas Ponga at walang sabi-sabing pinagbabaril ito nang maraming beses. Naganap ang pamamaril kay Ponga dakong alas onse ng umaga habang kasalukuyang nagmimisa sa mga biktima ng masaker bago ilibing ng araw na iyon.

Si Ponga ay isa sa mga idinawit ni Ibañez na kasama niyang gumahasa at pumatay kina Estrella Carlos, 35, ina niyang si Auring Dizon, 58, at mga anak na sina Donny, 11;  Ella, 7 at Dexter Carlos, 1. Ang ama na si Dexter Carlos ay nasa trabaho nang maganap ang krimen.

Ayon kay Philippine National Police (PNP) chief Director General Ronald dela Rosa, maaring vigilantes ang pumatay kina Pacinos at Sorema. Paiimbestigahan umano niya ang pagpatay sa dalawa. Dalawa pang “person of interest” ang hinahanap ng pulisya kaugnay ng masaker.

Kabagalan ng korte ang dahilan kaya nagluta­ngan ang vigilantes. Maraming kaso ang natatambak sa sala ng mga hukom. Hindi kumikilos at kinamamatayan na ng mga biktimang naghahangad ng hustisya. Mayroong mga hukom na “nababayaran”. Kung vigilantes nga ang pumatay sa dalawang “person of interest”, masisisi ba ang mga ito kung sa mga kamay na nila idaan ang pagpaparusa. Malaki ang kinalaman ng maling justice system sa bansa sa paglutang ng vigilantes.

Show comments