SA Disyembre 31, 2017 ay wala nang maririnig na putok na halos magpasabog sa eardrum. Wala nang ilalatag na higad at Judas belt sa kalye at saka sisindihan. Wala na ring piccolo na numero unong nagdudulot ng pagkaputol ng daliri, pagkabulag at pagkalapnos ng katawan lalo sa mga bata. Wala na rin ang rebentador at kuwitis na nagdudulot ng sunog tuwing bisperas ng Bagong Taon.
Noong Martes, nilagdaan na ni Pres. Rodrigo Duterte ang Executive Order No. 28 na nagbabawal sa pagbebenta at paggamit ng firecrackers at pyrotechnic devices. Agad nagkabisa ang EO 28 at maaari nang hulihin ang mga lalabag sa kautusang ito. Layunin nang pagbabawal sa paputok ay upang maiwasan na ang mga napuputulan ng kamay, daliri, pagkabulag at iba pang pinsalang dulot ng paputok. Marami ring sunog ang nagaganap dahil sa paputok. Ilang pagsabog na ang naganap sa mga pabrika ng paputok sa Bulacan na ikinamatay ng mga manggagawa mismo.
Ayon sa report ng Department of Health (DOH), 630 ang nasugatan (karamihan ay naputulan ng daliri) noong Disyembre 21, 2016 hanggang Enero 5, 2017 dahil sa paputok. Marami naman ang injuries na naitala dahil sa paggamit ng piccolo. Karaniwang mga bata ang biktima ng piccolo dahil dinadampot ng mga ito ang mga inaakalang hindi nagsindi. Pagdampot ay saka ito sumasabog.
Marami agad ang umangal sa kautusan na nagbabawal na sa mga paputok lalo na ang mga gumagawa nito. Saan daw sila kukuha nang ikabubuhay. Ang paggawa lang daw ng paputok ang kanilang alam na hanapbuhay. Paano raw ang pinag-aaral nilang mga anak kung bawal na ang paputok.
Ganito rin ang sinasabing dahilan noong ipinapanukala ang pagbabawal sa paputok. Walang nabago sa kanilang alibi. Maraming pagkakakitaan kung magiging matalino lamang ang gumagawa ng paputok. Huwag nang ipilit ang negosyong delikado na pati mga bata ay nadadamay. Kapag may naputulan ng kamay o nasunugan, wala namang pakialam ang mga gumagawa ng paputok at ang mahalaga lang sa kanila ay kumita. Tama lang si Digong na itigil na ang business na ito. Perwisyo ito sa buhay at kalikasan.