EDITORYAL - ‘Ang mamatay nang dahil sa’yo!’

LIMAMPU’T WALONG sundalo at pulis na ang namamatay sa labanan sa Marawi samantalang marami ang sugatan mula nang magsimula ang giyera noong nakaraang buwan. Wala pang indikasyon nang pagsuko ang teroristang Maute pero sabi ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ta­tapusin na nila ang laban. Tuluy-tuloy ang kanilang open­siba hangga’t hindi nauubos ang mga terorista. Habang nasusugatan ay lalo silang tumatapang.

Lalong lumakas ang AFP nang mabuwal ang 13 miyembro ng Philippine Marines noong Biyernes. Nagsasagawa nang paghahalughog sa mga bahay-bahay ang Marines nang paulanan sila ng mga putok. Ang team ng Marines ay pinangungunahan ni 1st Lt. Frederick Savellano. Ang kanyang team din ang nakadiskubre nang maraming pera sa isang bahay na umano’y pondo ng Maute. Namatay si Savellano habang naglilingkod sa bayan at pinagkakapuri siya ng kanyang ama. Ipinagmamalaki siya sapagkat naipakita ang matinding pagmamahal sa bansa. Ayon sa ama ni Savellano, noon pa raw gustong maglingkod ng kanyang anak bilang sundalo pero hindi magawa dahil nag-aaral ito nang nursing. Nang makatapos at makapasa sa Nursing board, saka ito pumasok sa pagiging sundalo. Hi­ling ng ama ni Savellano na huwag “condolence” ang ipaabot sa kanya sa pagkamatay ng anak kundi “congratulations”.

Marami pang anekdota ang mga bayani ng Marawi na lumulutang ngayon at nagbibigay ng inspi­rasyon sa kapwa sundalo. May isang sundalong namatay na nagsabing bombahin na ang kanyang kinaroroonan kung ito naman ang sagot sa pagkalipol ng Maute. Hindi raw siya natatakot mamatay basta ang mahalaga, mailigtas ang Marawi sa mga kamay ng terorista.

Sa unang bugso ng pagsalakay ng Maute, isang police officer umano ang nakatikim nang matinding kamatayan sa mga uhaw sa dugong terorista pero hindi nabahag ang buntot ng pulis at lumaban pa rin kahit alam niyang hindi siya bubuhayin ng mga kalaban. Sa kanyang isip, mas masarap mamatay nang lumalaban.

Kahanga-hanga ang kagitingan ng 58 at hindi malilimutan ang kanilang kagitingan.

Show comments