NGAYONG nag-uumpisa na ang tag-ulan, maganda sana habang maaga pa, maghanda na tayo para maiwasan ang pagbaha sa ating lugar. Maiiwasan din ang mga sakit na dumadapo kung tag-ulan tulad ng dengue na nakukuha sa kagat ng lamok, leptospirosis na nakukuha sa ihi at dumi ng daga at iba pang sakit. Sa aking palagay dapat magkaisa ang barangay at mamamayan sa paglilinis sa ilog kung tayo’y malapit dito at sa mga kanal panatilihing tuluy-tuloy and daloy ng tubig dahil kung hindi, puwede itong pangitlugan ng lamok na may dalang dengue.
Kalimitan ang sanhi ng bahang nararanasan sa Metro Manila ay ‘yung hindi natatapos na proyekto ng pamahalaan at basura. Dapat sana habang tag-araw madaliin ang pagkukumpuni sa mga kalsada at iba pang proyekto para bago sumapit ang tag-ulan menos na tayo sa problema. ‘Yung mga kababayan nating walang disiplina sa sarili na walang habas kung magtapon ng basura kahit saan, kung hindi babaguhin ang ugaling tapon dito-tapon doon ng mga basura, kayo rin ang mapeperwisyo dahil sa mga basurang tinatapon n’yo magiging sanhi yan ng pagbaha sa inyong lugar.
Lalo na ‘yung mga nakatira sa gilid ng ilog siyempre iskuwater bihira ang nangongolekta ng basura diyan walang ginawa ang mga yan kundi ihagis ang basura sa ilog. Kahit yata araw-arawin ng MMDA ang pagkuha ng basura sa ilog at estero sa Metro Manila ay hindi pa rin ito maubus-ubos dahil sa mga taong kulang sa disiplina. Kaya kung ang lugar n’yo ay binaha huwag niyong sisihin ang gobyerno, binaha kayo dahil sa basura n’yo.
Ang masasabi ko lang sana palawigin ng LGU ang pangungulekta ng basura sa bawat barangay at kung maaari ay magtalaga ng mga taong taga-kolekta ng basura para maiwasan ang magtapon ng basura kahit saan.