NOONG nakaraang Mayo, nilagdaan ni Pres. Rodrigo Duterte ang Executive Order No. 26 na nagbabawal sa paninigarilyo sa mga lugar na pampubliko at sa loob ng mga gusali. Hindi na makapagsisindi ng yosi ang sinuman. Kailangang sa designated smoking areas lamang makakapanigarilyo. Sakop din ng EO ang pagbabawal sa mga menor-de-edad na manigarilyo at magtinda ng sigarilyo. Bawal ding magtinda ng sigarilyo sa mga lugar na kadalasang pinupuntahan ng mga menor-de-edad. Hinihikayat naman ang local government units (LGUs) na ipatupad ang pagbabawal sa paninigarilyo.
Pero hindi naipatutupad ang kautusan sapagkat marami pa rin ang naninigarilyo sa lugar na pinagbabawal. May mga government offices na nangangamoy yosi at nalalanghap ninuman ang mabahong amoy. Nakakasulasok ang usok ng yosi na delikado sa kalusugan. Maski sa mga parke o plaza, ganito rin ang nakikita. Akala yata, porke nasa parke sila, libre nang magyosi. At walang pumapansin sa kanila. Balewala ang batas na nagbabawal manigarilyo.
Ayon sa Department of Health (DOH), ang pagbabawal sa paninigarilyo sa mga pampublikong lugar ay ipinatutupad upang makaiwas sa pagkakasakit ang mamamayan. Ang second hand smoke ay matindi ang epekto sa mga nakalalanghap nito. Sa report ng World Health Organization (WHO), limang milyong tao ang namamatay taun-taon dahil sa paninigarilyo at nadadagdagan kung hindi magkakaroon nang seryosong kampanya sa paninigarilyo.
Ayon sa DOH, ang mga sakit na nakukuha sa paninigarilyo ay hypertension, heart attack, stroke, cancer at lung disease. Umano’y 14 milyong Pinoy ang may hypertension at ang dahilan ay ang paninigarilyo. Ang chronic obstruction pulmonary disease (COPD) ay isa sa mga sakit na dulot ng paninigarilyo.
Ipatupad ang batas na nagbabawal manigarilyo sa mga pampublikong lugar. Kumilos naman ang local government units para ma-implement ito. Iligtas ang mamamayan sa pagkakasakit dahil sa second-hand smoke.