KONTROLADO na ng AFP ang Marawi City, pero hindi pa rin ito lubusang ligtas mula sa Maute group. Nagiging mas mahirap na ang laban para sa mga sundalo, dahil kailangang isa-isahin ang mga bahay sa siyudad, para siguraduhing walang teroristang nagtatago. Bagama’t gumagamit na ang militar ng malalakas na sandata laban sa Maute tulad ng rockets at bomba, hindi rin pwedeng basta-basta lang gamitin para hindi rin mapahamak ang mga sibilyan, at madagdagan ang danyos sa siyudad. Ang nais din ng militar ay may mabalikang tahanan ang mga residente ng Marawi City. Ramadan pa naman, na mahalaga sa mga kapatid na Muslim.
Naglabas naman ng pahayag ang ISIS hinggil sa pag-atake ng Maute sa Marawi, sa kabila ng ilang pahayag na hindi pa naman kinikilala ng ISIS ang Maute. Tila pinalalabas na suportado na nila ang Maute, o bahagi na ng ISIS ang teroristang grupo. Kalaban ng bansa ang Maute, kabilang man ng ISIS o hindi, na dapat durugin. Ayon kay AFP chief Gen. Año, aabutin ng isang linggo bago tuluyan nang maging malaya at ligtas mula sa Maute ang Marawi. Mas mahirap lang talaga ang labanan ngayon, lalo na’t may snipers ang Maute. Ang nadiskubreng walong bangkay ng mga sibilyan ay patunay naman sa kasamaan ng Maute.
Hindi rin dapat tigilan ng AFP ang Maute, kung may mga makatakas man mula sa Marawi. Habulin sila at durugin na, para hindi mabigyan ng pagkakataong lumakas muli, lalo na kung may suporta sila ng ISIS. May mga ulat na may mga banyagang kasama anag Maute sa Marawi. Kung ganun, nakakapasok na nga ang ISIS sa bansa, bagay na dapat matukoy ng militar at pulis. Ang panawagan naman ng CPP sa NPA na paigtingin ang mga operasyon laban sa militar habang nagaganap pa ang krisis sa Marawi ay patunay na walang kuwentang kausap ang mga komunista. Pinatigil na nga ang usapang-kapayapaan sa pagitan ng gobyerno at NDF. Bakit nga naman, kung may ganyang utos ang CPP sa kanilang mga manlalaban?