Magpakatino na lang sila
MALAMANG hindi na Presidente si Rodrigo Duterte sa pagtapos ng kaso ng 19 na pulis na pumatay sa nakakulong na Mayor Rolando Espinosa. Maari lang sila patawarin ng Presidente kapag ganap na ang sentensiya. Limang taon pa ang natitira sa termino ni Duterte. Himala kung mabuo ang paglilitis sa regional trial court at pagrerepaso sa Korte Suprema sa loob ng panahong ‘yon. Usad-pagong ang hustisya sa Pilipinas.
Malamang retirado na ang karamihan sa 19, na pinangungunahan ni Supt. Marvin Marcos, bago matapos ang kaso. Sapilitan nireretiro ang pulis sa edad-56. Mapapako ang pangako ni Duterte na i-promote sila.
Hindi uubra na umamin na lang sila ng salang murder. Bilang dating prosecutor, alam ni Duterte ang proseso. Sa karumaldumal na krimen, dapat makulong ang salarin nang kalahati man lang ng takdang sentensiya, miski akuin ang sala. Kung 20-40 taon ang hatol sa murder, dapat magdusa muna nang sampung taon -- bawasan man dahil sa mabuting asal sa preso. Mauunahan pa rin ng pagbaba ni Duterte sa puwesto ang malamang na sapitin ng 19 na pulis.
‘Yan ang dahilan sa pangaral sa pulisya ni Sen. Ping Lacson na “magpakatino na lang.” Dating PNP chief si Lacson. Kabisado niya ang sitwasyon ng unipormado. Bingit-buhay sila sa pakikisagupa sa drug lords atbp. kriminal. Nangto-torture at nanununog pa ng bangkay ang mga pusakal. Ang mga inaadik nila sa shabu ay walang-awa na nanggagahasa pati ng mga batang munti. Pero mahigpit ang batas sa pulis. Hindi sila pinapayagan bumaba sa lebel ng mga kriminal at gayahin ang pamamaslang, pananakit, at pang-aabuso ng mga lagalag. Ni hindi nga sila binibigyan ng abogado kapag nasakdal ng pangingikil, e murder pa kaya? Inaarmasan ng estado ang pulis para magpatupad ng batas, kaya mas mahigpit ang batas sa kanila.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).
- Latest