SAMPUNG Abu Sayyaf ang napatay ng mga sundalo sa Sultan Kudarat noong Huwebes at ang sabi ng Armed Forces of the Philippines (AFP), tuluy-tuloy na ang operasyon nila. Wala nang makakapigil pa.
Magandang mapakinggan ito. Nararapat lang na huwag nang tigilan ang paglipol sa Sayyaf. Ang nasimulan sa Bohol ay ipagpatuloy pa hanggag sa Lamitan, Basilan, na kuta ng mga bandido.
Noong nakaraang Lunes, napatay ng mga sundalo at pulis ang dalawang nalalabing Sayyaf sa Bohol. Sa kabuuan, 12 Sayyaf ang napatay doon. Ang pagkakapatay sa mga bandido ay magbibigay ng katahimikan sa Bohol na dinadagsa ng mga turista. Malaking tulong sa turismo ang pagdagsa ng mga dayuhan sa nasabing probinsiya. Makaraang mapatay, nakahinga nang maluwag ang mga residente na isang buwan ding nangamba sa kanilang kaligtasan.
Bago mag-Mahal na Araw, 12 Sayyaf na sakay ng pump boat ang dumaong sa baybayin ng Bohol. Pakay ng mga bandido na mangidnap ng mga dayuhan at saka ipatutubos. Pero natunugan ng AFP ang balak ng Sayyaf kaya nakordonan ang lugar. Nang masukol ang mga bandido, nagkanya-kanya nang tago. Hanggang sa isa-isang mapatay. Unang napatay ang lider na nakilalang si Abu Rami na umano’y pumugot sa ulo ng German at Canadian noong nakaraang taon.
Ang pagkakapatay sa Sayyaf sa Bohol ang naging daan din para madiskubre ang pakiki-pagkutsabahan ng isang babaing police official sa mga bandido. Natuklasang nais i-rescue ni Supt. Cristina Nobleza ang isang Abu Saad. Kasama ni Nobleza ang umano’y boyfriend na miyembro rin ng Sayyaf.
Purihin ang AFP at mga pulis sa ginawang paglipol sa mga bandido sa Bohol. Sana, hindi sila tumigil hangga’t hindi napapatay ang kahuli-hulihang bandido sa Basilan.