EDITORYAL - Bawal ang cell phone habang nagda-drive

MAHIGIT 400 motorista na gumagamit ng cell phone at iba pang gadgets habang nagda-drive ang hinuli kahapon ng traffic enforcers bilang pagpapatupad sa Republic Act 10913 o ang Anti-Distracted Driving Act. Sa ilalim ng batas, bawal ang mag-text at tumawag sa cell phone habang nagda-drive para maiwasan ang aksidente. Sa report, karaniwang dahilan nang pagbangga ng sasakyan ay dahil nagti-text, tumatawag o tumitingin nang madalas sa cell phone ang driver. Pagmumultahin ng P5,000 sa unang paglabag; P10,000 sa ikalawa at P15,000 sa ikatlo ang mga mahuhuli.
Ayon sa Land Transportation Office (LTO) magagamit lamang ng driver ang kanyang cell phone kung ito ay hindi niya hahawakan o naka-fixed sa isang lugar na sasakyan na hindi makaka-obstruct sa kanyang paningin. Maaaring gumamit ng cell phone kung titigil sa isang ligtas at pinapayagang lugar. Hindi rin naman maaaring gumamit ng phones kung nakatigil dahil sa traffic light.
Ang pinapayagan o exempted para makagamit ng cell phone ay yung may emergencies, tatawag ng pulis dahil may krimen, tatawag ng bumbero at kung nangangailangan ng doctor.
Hanggang kahapon, problema pa rin naman kung saan ilalagay o ipapatong ang cell phones o gadgets na hindi makaka-obstruct sa driver. Hindi ito malinaw sa ilang motorista. Nararapat magbigay ng specific na puwesto kung saan nararapat ilagay ang device.
Mahalaga ang batas na ito lalo pa’t ngayong wala nang pakialam ang mga motorista sa kaligtasan ng kapwa sa kalye. Kapag nagustuhang tumawag o mag-text ay dadamputin ang phone at gagamitin ito.
Ang maayos na pagpapatupad ng batas na ito ang dapat isagawa ng LTO. Atasan ang MMDA na maisakatuparan ito at nang hindi maging dekorasyon lang. Huwag ding hayaang pagkaperahan ng mga corrupt na traffic enforcers ang mga lalabag. Baka “magkaayusan” na lang para hindi na umabot sa kung saan-saan. Tiyak na may naiisip nang baluktot ang mga “buwaya” sa kalsada. Tutukan ito ng LTO.
- Latest