AYON sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), sa isang linggo ay magsisimula na ang tag-ulan. Palatandaan umano ang mga nangyayaring thunderstorms sa gabi.
Kapag narinig ang panahon ng tag-ulan, ang kakambal nito ay pagbaha. Tiyak, muli na namang mararanasan ang pagbaha sa Metro Manila. Hindi na nagkaroon ng solusyon ang problemang ito. Sa kabila na gumagastos nang malaki ang pamahalaan para malutas ang pagbaha, wala pa ring magawang solusyon.
Lulubha ang pagbaha ngayon sapagkat punumpuno ng basura ang mga estero. Sa halip na kumonti ang mga basurang lulutang-lutang sa estero ngayon, lalo pang dumami ngayon. Wala pa ring disiplina ang mamamayan lalo na ang mga nakatira sa gilid ng estero at mga ilog sapagkat tapon lang sila nang tapon dito.
Sa kabila ng mga paalala na huwag magtatapon ng basura, patuloy pa rin sa ginagawa at walang pakialam magbaha man sa Metro Manila. Wala rin namang ginagawang aksiyon ang mga pinuno ng barangay para mapangalagaan ang mga ilog at estero.
Sabi ng Metro Manila Development Authority (MMDA), may pananagutan ang mga barangay captain na maging malinis ang mga estero na nasa kanilang nasasakupan. Masasampahan sila ng kaso sa Ombudsman kapag pinabayaan nilang marumi ang mga estero. Kailangang mapanatili nilang walang basura ang mga daanan ng tubig.
Ayon sa Metro Manila Development Authority (MMDA), mula pa noong Marso 1, nagsimula na silang maglinis ng waterways sa Metro Manila at umabot na sa 685 na trak ng basura ang kanilang nakuha.
Mga styropor na galing sa mga fastfood chain ang nakuha sa mga estero. Ang mga basurang ito ay hindi natutunaw kaya magbabara sa mga daanan ng tubig. Ang iba pang basura na nakuha ay plastic bags mula sa malalaking malls, sirang sopa, crib ng sanggol, sachet ng kape, shampoo, at iba pang plastic products na hindi natutunaw.
Paigtingin ng MMDA ang kampanya sa mga nagtatapon ng basura sa mga estero. Parusahan ang mga mahuhuli. Ipatupad ang pagkaso sa mga barangay captain na pabaya kaya napuno ng basura ang mga estero.