H’wag sisihin ang pulis sa masikip na kulungan

HINDI ang PNP ang dapat sisihin kung maraming namamatay na preso sa sakit dahil sa masikip na kulungan sa Metro Manila. Karamihan sa 38 police stations sa Metro Manila ay luma na kaya ang mga selda ay maliit na rin. Dahil may kampanya ang PNP sa ilegal na droga karamihan sa mga kulungan ay punumpuno na. Halimbawa ay ang natuklasan ng Commission on Human Rights (CHR) na “secret cell” sa Station 1 sa Tondo. Aba, nagdesisyon lang si Supt. Robert Domingo na ‘wag ihalo ang mga bagong huling adik subalit nabutasan pa siya. Dapat bigyan ng award si Domingo dahil may konsensiya pa siya subalit sa kasamaang palad nabaliktad ang sitwasyon at napatalsik pa sa puwesto. May nagsulsol umano sa 12 preso para mag­salita sa CHR. Paano pa makababawi si Domingo e lugmok na siya sa propaganda ng CHR?

Dahil sa secret cell, nag-utos si PNP chief Dir. Gen. Ronald dela Rosa ng inspection sa mga selda sa buong bansa para patunayan na walang ganun sa ibang rehiyon ng PNP. Si NCRPO chief Dir. Oscar Albayalde ay tumalima at natuklasan niya na 26 preso ang namatay sa kani-kanilang selda mula Hulyo 1, 2016. Ang mga sakit ng namatay na preso ay hypertension, pneumonia at dehydration. Ang may pinakamaraming namatay na preso ay sa Taguig police jail na umabot sa 18. Sinabi ni Albayalde na ang Taguig jail ay ginawa para sa 62 preso lamang su­balit ang nakakulong doon ay umabot sa mahigit 260. Kaya para medyo lumuwag ang kulungan, na­ipasya ni Alba­yalde na ilipat ang 115 preso sa temporary jail sa Bicutan. Limang preso naman ang namatay sa MPD at ang sakit nila ay cardiac arrest, blood infection at tuberculosis.

Sa totoo lang, ang dapat umayos ng problema ukol sa overcrowding at congested na kulungan ay local government units (LGUs) dahil walang pondo ang NCRPO para sa expansion at paggawa ng bagong police station. Ang trabaho ng PNP ay manghuli ng criminal, lalo na ang mga adik, at ang pangangalaga ng kalusugan ng mga preso ay saklaw na ng mga LGU. Kaya kung overcrowded ang kulungan, ang ibig sabihin n’yan ay nagtatrabaho ang PNP. Makakatulong din kung magpapalabas kaagad ng commitment order ang korte para ma-transfer na ang mga preso sa regular na kulungan ng BJMP. Sumulat na si Albayalde sa korte tungkol dito subalit wala pang kasagutan. Abangan!

Show comments