EDITORYAL - Magkanong kinikita sa pagmimina?
NAKAKA-SHOCK malaman na 0.9 percent lang pala ang kinikita ng pamahalaan sa mga mining companies na nag-ooperate sa bansa. Wala pang 1 percent. Ito ay ayon sa datos ng National Economic Development Authority (NEDA). Ibig sabihin hindi rin pala ganap na nakakatulong ang mga minahan para ganap na umulad ang ekonomiya ng bansa. Hindi rin maaaring maging sandigan ng mamamayan ang mga minahan para mapaunlad ang buhay at tanging ang mga may-ari lamang ng minahan ang ganap na nakikinabang. Walang gaanong pag-asa na mapapala sa pagmimina at ang masaklap may iresponsableng mining companies na pagkatapos ubusin ang nakabaong yaman o mineral ay hahayaan na lamang ang binutas nilang bundok at ang nagdurusa ay ang mamamayan. Pagkaraang sirain ang pinagkukunan ng ikabubuhay ng mamamayan nawala na at sukat ang mga ganid na minero. Ginawang busabos ang mga residente.
Marami sanang balak si DENR Sec. Gina Lopez para mapangalagaan ang kapaligiran at maisalba ang pinagkukunan ng tubig. Pero dahil ni-reject siya ng Commission on Appointments (CA), maaaring wala nang magtutuloy ng kanyang adbokasiya. Sa lahat nang naging DENR secretary, si Lopez lamang ang nagpakita ng paninindigan at paglaban sa mga iresponsable at ganid na mining company. Pero dahil nga nakinabang sa mining companies ang mga mambabatas, napagpasyahan nilang tuluyan nang i-reject si Lopez. Sabi ni Lopez makaraang i-reject, nangibabaw ang interes ng negosyo kaysa sa kanyang nais mangyari. Sa botong 16-8, tuluyang inalisan si Lopez ng kapangyarihan sa DENR. Sa loob ng pitong buwan niya sa DENR, marami siyang naipasarang mining companies na hindi sumusunod sa batas.
Nang iupo siya ni President Duterte noong Hunyo 2016, mariin niyang sinabi na ayaw niya sa mining sapagkat inaagawan ng mga ito ng kabuhayan ang mamamayan. Pawang mayayaman lamang ang umano ang nakikinabang dito.
Nakapanghihinayang na nawala si Lopez sa DENR. Sana ang ipapapalit sa kanya ay mayroon ding kakayahang labanan ang mga sumisira at mistulang salot sa kapaligiran.
- Latest