4 na prutas para sa hindi makarumi

MARAMING tao ang hindi makarumi nang regular. Ang tawag dito ay constipation o pagtitibi. Ang pagtitibi ay puwedeng magpalala ng sakit sa puso, luslos at hemorrhoids.

Ang mga buntis, kababaihan at may edad ay madalas hirap makarumi. Hindi namin pinapayo ang pag-inom ng gamot o herbal tea para makarumi. Sa katagalan ay makasasama ito.

May mga prutas na mabisang lunas para sa hindi makarumi. Subukan n’yo ang apat na prutas na nag-uumpisa sa letrang “P”.

1. Pakwan – Ang pakwan ay may taglay na 92% alkaline water. Mataas ito sa vitamin A, Vitamin B, Vitamin C, lycopene at potassium. Ang pagkain ng 2 hiwa ng pakwan sa maghapon ay puwede nang magpalambot ng dumi. May benepisyo rin ang pakwan para sa bibig, sikmura at bituka. Makatutulong ito sa may singaw at bad breath.

2. Papaya – Ang papaya ay napakabisang prutas para sa hindi makarumi. Kapag kumain ka ng 1 o 2 hiwa ng papaya ay siguradong lalambot ang iyong dumi. Kapag matamis ang papaya ay mas mabisa ito. May sangkap na papain ang papaya, isang enzyme na nakatutulong sa paglambot ng dumi. Mataas din sa vitamin C ang papaya kaya masustansya ito. Huwag lang sosobrahan ang pagkain at baka magtae ka naman.

3. Peras – Ang peras ay mayaman sa fiber at sorbitol na makatutulong sa pagdumi. Ang fiber ay nagbibigay ng hugis (o bulk) sa dumi. Ang sorbitol naman ay nagbibigay ng tamis sa peras at naghahatak ng tubig sa loob ng bituka para lumambot ang dumi. Ayon kay Dr. Jay Hoecker ng Mayo Clinic, puwedeng bigyan ng peras ang mga sanggol at bata na hindi makarumi. Ang 2 hanggang 4 na onsa ng katas ng peras ay maaaring makatulong sa pagdumi ng bata.

4. Prunes – Sa Pilipinas, makabibili tayo ng prune juice at dried prunes sa mga supermarkets. Ang prunes ay matagal nang lunas para sa pagtitibi. Tulad ng peras, may taglay na fiber, sorbitol at antioxidants ang prunes. Sa bawat kalahating baso ng prune juice (100 ml) may sangkap itong  6.1 grams ng sorbitol. Dahil dito, napapalambot ng prunes ang dumi. Ayon sa mga eksperto, may tulong din ang prunes sa buto at sa pag-iwas sa osteoporosis.

Kaya tandaan natin ang apat na prutas na nabanggit para maiwasan ang pagtitibi at maging malusog ang ating katawan.

Show comments