SABI ni Pres. Rodrigo Duterte noong Lunes sa pagdiriwang ng Labor Day, magpapatuloy ang kanyang administrasyon sa paglikha ng mga trabaho. Pangako niya na lilikha na libu-libong trabaho para sa mga Pilipino at ito ang magbibigay daan para umunlad ang ekonomiya ng bansa. Bukod sa pangakong trabaho, sinabi rin niyang puprotektahan ang karapatan at kalagayan ng mga manggagawa. Wawakasan na rin aniya nang tuluyan ang kontraktuwalisasyon.
Marami pa rin ang walang trabaho sa kasalukuyan batay sa pinaka-latest na survey ng Social Weather Stations (SWS). Humigit-kumulang sa 10.4 milyon ang mga jobless sa unang tatlong buwan ng 2017. Ganunman, mas mababa ito kumpara sa 11.2 milyon na walang trabaho noong Disyembre 2016.
Kamakailan, ibinida ng Presidente ang maraming inprastruktura na isasagawa sa kanyang termino. Maraming kalsada, expressways, tulay, ports, ang gagawin at makikinabang dito ang maraming Pilipino. Magluluwal nang maraming trabaho ang mga gagawing inprastruktura at uunlad ang ekonomiya kapag natapos ang mga proyekto. Maraming bansa ang nangako ng investments at isa na rito ang China. Ayon sa Presidente, dalawang tulay ang libreng gagawin ng China at maraming trabahador ang kailangan dito.
Pero kahit maraming gagawing inprastruktura sa bansa, kulang pa rin ito sapagkat mahigit 10 milyon ang walang trabaho. Hindi naman maaaring isaksak lahat sa constructions ang mga walang trabaho. Kaya hindi sasapat ang sinasabing pag-boom ng inprastruktura sa bansa.
Ang isang dapat pagtuunan ng pansin ng Duterte administration ay ang agri sector. Kung mapapaunlad ang sector na ito, dito nakakatiyak na magluluwal nang sangkatutak na trabaho. Nakalinya sa agrikultura ang pagkain kaya walang patid ang pangangailangan dito. Pagkain ang kailangan ng tao. Buhusan ng tulong ang sector ng agrikultura at tiyak na magbubunga. Dito uunlad ang ekonomiya at pangalawa lang ang inprastruktura.