Eden ka ng aking buhay
na ang tanging minimithi
Sa biyaya ng hardin mo
ako sana’y makilimpi
Makaniig ko ang buwan
na pisngi mong tangi;
Gigisingin kita Mutya
sa lambing ng mga hikbi
Upang kahit papano’y
marinig mo ang pighati
At pangakong sa puso ko’y
mamahalin kitang lagi
Nahan Mutya dibdib mong
sa tuwina’y hinahanap
Sa lundo ng bahaghari’t
sa nagbiting mga ulap?
Tatawirin ko rin giliw
malawak na mga dagat
Masilayan ko lamang
ang ganda mong pinangarap;
Kung sa dilim nitong gabi’y
madupilas sa paglakad
Hindi ako magbabago
sa dakilang mga hangad!