IYAN ang problema tuwing papasok ang pinakamainit na panahon na nagsisimula sa buwan ng Marso. Sunog! Ang pinakakawawa ay yung mga mahihirap na informal settlers na ang tahanan ay gawa sa material na mabilis magningas.
Sa Tondo, nagkaroon kamakailan ng sunog na umabo sa tahanan ng tinatayang 1,565 na pamilya. Agad umaksyon si Manila 2nd district Rep. Carlo V. Lopez para sa pangangailangan ng mga apektadong pamilya.
Bumuo si Lopez, vice chairperson ng house committee on housing and urban development ang isang one stop shop office sa pangunguna ng National Housing Authority, Department of Social Welfare and Development, Philippine Statistic authority, tanggapan ng Urban poor ng Pamahalaang lungsod ng Maynila at Pasig River Rehabilitation Commission.
Aniya marami sa mga biktima ay walang panggastos sa mga papeles na kailangan kaya hiningi ang tulong ng DSWD para alalayan ang mga constituents na maihanda ang lahat ng kailangng NHA documentation.
Sinabi ni Lopez na nakahanda din ang PSA at tanggapan ng Urban Poor ng lokal na pamahalaan na tulungan ang mga beneficiaries sa mabilis na pag-iisyu ng birth certificates at iba pa.
Sa nabanggit na pulong, tiniyak ni Gng. Sonia Mabeza, pinuno ng NHA West sector na inaasahang maililikas ang mga naging biktima ng sunog sa kanilang relocation sites sa Barangay Tigbe sa Norzagaray at Padre Pio sa Pandi, Bulacan.
Dumalo din ang PRRC sa pulong bahagi ng proyektong Oplan Likas ng pamahalaan, kasama ang iba pang ahensya katulad ng DILG at MMDA na layong linisin at isaayos ang mga estero at may apektado ding mga residente na nakatira sa mga estero sa Tondo II.