ASEAN

HINDI iilan ang apektado ng mga road closures at detours na hatid ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) summit na tinatanghal ngayon. Kahit pa nagsuspinde ng klase at trabaho sa mga lungsod na nakapaligid sa MOA, PICC at hotels area (na sentro ng mga aktibidades), hindi pa rin kakayanin na mapagaan ang daloy ng trapiko.

Sa mga nasusuya o di kaya ay nagmumura, marahil ay hindi nila nakikita ang iba pang mga paraan kung paano tayo apektado ng ASEAN.

Isa ang Pilipinas sa mga orihinal na nagtatag ng ASEAN noong isa pa tayo sa mga nangungunang ekonomiya sa rehiyon. 

Tulad ng iba pang mga samahan ng bansa sa ibang lugar, hinangad sa pagtatag ng ASEAN na mag­karoon ang mga miyembro ng plataporma kung saan ang kani-kanilang mga pinagmamalaki ay maaring ibahagi sa mga kapitbahay sa paraang ikabubuti ng samahan. 

Mula sa ganitong impormal na pakikipagtulungan ay puwedeng mahawa na ang iba pang aspeto nang sa ganoon ay hindi naman tayo makawawa hambing sa asenso ng iba pang mga ekonomiya.

Lalo na sa panahon ngayon kung saan sadyang nangingibabaw ang globalisasyon at sa mas pormal na pag-iisa ng mga ekonomiya, ang ASEAN ay pa­tuloy na magiging makabuluhan para sa atin.

Dumami pa ang bilang ng miyembro dahil sa mga bansang dating sarado ang ekonomiya ay binuksan na rin. 

Bawat isang Pilipino ay dapat isaisip at isapuso ang kooperasyon at tulungan na kaugalian na ng ASEAN.

Show comments