MARAMING Pilipino ang naglalaba araw-araw ng kanilang damit. Babae man o lalaki ay kailangang maglaba. Bihira lang naman ang may kayang bumili ng washing machine.
Ngunit may masamang epekto sa katawan ang maling paraan ng paglalaba. Marami sa atin ang sumasakit ang likod, kamay at tuhod dahil sa paglalaba.
Una, kapag umupo tayo nang matagal sa bangkito at sasakit na ang ating likod. Ang pagbuhat ng mabigat na palanggana ay masama rin sa likod. Pangalawa, kapag nakatalungko nang matagal sa bangkito at maninigas na ang tuhod at mahihirapan na itong maderetso. At pangatlo, sa katagalang paglalaba ay mamamanhid at sasakit na ang mga kamay.
Para maiwasan ang mga sakit na ito, tuturuan ko kayo ng tamang paraan ng paglalaba.
1. Ipatong ang palanggana ng labahin sa isang mesa. Sa ganitong paraan ay hindi ka mapipilitang yumuko para maglaba. Mababawasan ang sakit ng iyong likod.
2. Gumamit ng normal na silya na angkop para sa iyong mesa. Makatutulong ito sa iyong likod at tuhod. Ang pagtatalungko (squat) ay nakakapuwersa sa litid ng tuhod. Masama ito.
3. Kapag magbubuhat ng mabibigat na palanggana, magpatulong sa ibang tao. Huwag buhatin ng mag-isa dahil baka mapilay (sprain) ang iyong likod. May taong nagkakaroon ng “slipped disc” o iyung lumihis ang buto sa likod. Gamitin ang masel ng paa at hita sa pagbubuhat habang pinapanatiling deretso ang likod.
4. Sa mga namamanhid ang kamay, ito ay marahil dahil sa carpal tunnel syndrome. Ito ay isang sakit na dulot ng matagalang paggamit ng kamay para magkusot at magpiga ng labahan. Ang solusyon dito ay ang magpahinga. Bawasan ang dami ng iyong labahin o magpatulong na lang kay Mister sa paglalaba.
5. Makatutulong din ang paggamit ng guwantes habang naglalaba. Makababawas ito sa sakit sa balat, allergy sa balat at pangungulubot ng kamay.
6. Kung magkakaroon ng pera balang araw ay bumili na lang ng isang washing machine. Malaking tulong ito para mabawasan ang sakit ng iyong katawan. Good luck po.