USUNG-USO ngayon ang mga outing dala na rin ng init ng panahon na nararanasan natin sa bansa. May mga pamilyang nagpupunta sa mga probinsiya para mag-palipas ng alinsangan na nararanasan nila rito sa Metro Manila. Dito sa Metro Manila kahit na ipinagbabawal ang maligo sa Manila Bay dahil sa rami ng mga dumi at basura na naiipon, hindi pa rin mapigilan ang mga taong maligo sapagkat masyadong mainit ang temperature. Ako mismo, maraming pawis ang aking nararanasan habang naglalaro ng tennis at pagdating ko sa bahay deretso ako sa aming swimming pool.
Nung mga nakaraang araw may mga napabalitang nalunod sa iba’t ibang lugar sa ating bansa at karamihan dito ay mga kabataan at bata. Para sa akin ang may pananagutan sa ating mga anak ay tayong mga magulang. Dapat alam natin ang kanilang mga ginagawa at gagawin para maituwid natin sila sa tamang landas. Kapag naman tayo’y nag-outing sana’y meron man lang nakabantay o kasamang lumangoy dahil hindi natin masabi na minsan ang sanhi ng pagkalunod ay pulikat.
Ang papel nating mga magulang sa ating mga anak ay gabayan sila sa kanilang paglaki hanggang sa sila’y marunong nang tumayo sa kanilang mga sarili. Lagi na-ting isipin na ang pagsisisi ay lagging nasa huli. Tulad ng mga kabataan natin ngayon na nadadamay sa iba’t ibang uri ng krimen. Para sa akin kapag nawala sa atin ang isang mahal sa buhay na ang ugat nito ay aksidente ay wala tayong magagawa kundi tanggapin, pero kung nalunod naman ang sanhi ng kamatayan ng ating anak lalo na kung musmos pa siguro tayong mga magulang na ang may pananagutan nito. Kahit na matigas ang ulo ng ating mga anak nasa ating mga magulang pa rin ang pagdidisiplina.
Tayong mga magulang ay malaki ang pananagutan sa ating mga anak.