‘Kapitan pinugutan!’
ANG PINAKAMALUPIT na pwede mong gawin sa kapwa mo ay pugutan mo siya ng ulo o ihiwalay ang ulo sa kanyang katawan. Ito ang tinatawag na mutilation. Sa ating Revised Penal Code (RPC) pinapatawan ito ng pinakamabigat na parusa na kamatayan o habang buhay na pagkabilanggo.
Ang Abu Sayyaf ay mga grupo ng bandido na binansagang international terrorist na naghahasik ng lagim sa ating bayan.
Heto na naman sila ngayon. Isang kapitan ng barko ang walang awang pinugutan ng ulo dahil hindi nakapagbayad ang pamilya ng ransom na tatlong milyong piso.
Hindi ko alam kung makakatulog pa ang mga ito subalit sigurado akong hinihintay na sila ng kanilang kalalagyan sa impiyerno.
Habang nagtitika, nagdarasal at nagbabakasyon ang ilan may isang pamilya ang nagluksa sa pagkamatay ng kanilang mahal sa buhay.
Kinumpirma ng isang video ang pagpugot ng ulo sa isang Pilipinong kapitan ng barko na si Noel Besconde.
Marami nang dinukot ang bandidong grupo na Abu Sayyaf mapa-Pilipino o foreigner wala silang pinipili.
Kidnap for ransom ang palaging nangyayari at kapag walang nakuhang ransom ay saka na nila pupugutan ng ulo ang kanilang bihag.
Kasa-kasama pa ang kanilang bihag sa lugar na pinagtataguan nila. Walang maayos na pahinga at walang sapat na pagkain ang mga bihag kaya marami sa kanila ay nagkakasakit at humihina ang katawan.
Matatandaang nung nakaraang Disyembre nang isa si Besconde sa nadukot sa Celebes sea sa apat na crewmember ng FB Ramona.
Naghigpit ang Armed Forces of the Philippines (AFP) at sinubukang gumawa ng paraan para mabawi ang mga bihag ng bandidong grupo.
Pinaniniwalaan na ang nasa likod ng pagpatay na ito ay ang Abu Sayyaf sub leader na si Hatib Sawadjaan.
Nagpasya ang bandidong grupo na pugutan ng ulo si Besconde matapos na hindi makuha ang tatlong milyong ranson na kanilang hinihingi.
May balita naman na kaya pinugutan ng ulo itong si Besconde dahil may sakit ito at nahihirapan ang grupo na tumakas dahil sa kanyang kondisyon.
Marami nang nabihag at napatay ang grupong ito. May mga nakalaya pero marami rin ang nasawi nang hindi makuha ng grupo ang hinihinging pera.
Pinaalalahanan ang mga tao na mas maging mapagmatiyag sila at i-report kaagad sa otoridad kung sakaling may napapansin silang hindi magandang nangyayari.
Kinakailangan din na magtulungan ang otoridad at ang mamamayan para maiwasan ang pagdami ng bilang ng mga nadudukot.
Kusa nang umiwas ang mga tao sa mga lugar kung saan nagkukuta o madalas mapadpad ang bandidong grupo. Sa ganitong paraan ay hindi na sila makakapangbiktima pa at makakahingi ng malaking halaga kapalit ng buhay ng kanilang bihag.
Marami na silang naging bihag, may mga kilala meron namang ordinaryong tao lamang. Pare-pareho ang ginagawa nila, humihingi ng malaking halaga para magamit nila sa kanilang operasyon.
Kahit saan ka lumugar talo pa rin ang gobyerno. Kung sakaling magbigay ka ng pera na hinihingi nila lalakas lang ang kanilang loob na ulitin ang kanilang gawain dahil may napapala sila.
Saan nila gagamitin ng pera? Pambili ng armas at ilan pang kagamitan pandigma na mas makakapaglagay sa bansa sa mas malaking kapahamakan?
Kung sakaling hindi naman maibigay ang kanilang hinihingi ay buhay ng kanilang mga bihag naman ang kapalit.
Nagpaabot na ng pakikiramay ang Palasyo sa pamilya ni Besconde. Mas pinaiigting nila ngayon ang kanilang operasyon para makita ang katawan ng namatay.
Sa ganitong pagkakataon ang tanging maibibigay na lamang sa pamilya ng namatay ay ang mahanap ang katawan nito at mabigyan ng maayos na burol at libing.
Una nang sinabi ni Presidente Rodrigo Duterte na hindi niya kukunsintihin ang ginagawang ito ng mga Abu Sayyaf at mas palalakasin niya pa ang pwersa ng militar para malabanan ang grupong ito na patuloy na nanggugulo sa bansa.
Iniutos na ni Presidente na huwag susuko ang ating mga sundalo sa kamay ng mga kalaban lalo na pagdating sa labanan dahil kamatayan lang din naman ang kanilang kahahantungan.
Lumaban sila hanggang sa huling bala na meron ang kanilang mga armas at huwag silang magpapadakip sa mga kaaway nang sa ganun ay hindi magkaroon ng pagkakataon ang mga ito na gawin silang alipin o babuyin.
Hanggang ngayon ay wala pang solusyong naiisip ang Presidente para matigil ang ganitong gawain ng mga Abu Sayyaf.
Ilang buhay pa ba ang kailangan mawala at ilang pamilya pa ang kailangan magluksa.
Mga inosenteng tao ang kanilang nabibiktima kaya naman binibigyan na lamang ng Presidente ng hanggang Hunyo 30 ang ating mga sundalo para matapos na ang problema sa mga Abu Sayyaf.
Hangga’t may napagkukunan ng pera ang grupong ito at nakakapag-recruit sila hindi sila mauubos. Kung giyera naman ang pag-uusapan may mga makabago silang armas at ilang kagamitang pandigma.
Ganun pa man hindi nagpapahuli ang ating administrasyon at lahat ng maganda o paraan para hindi madehado ang tagapagtanggol ng ating bansa ay ibinibigay niya.
Tama ang patuloy na paalala ng ating kapulisan at ng AFP. Alam naman ninyo kung anong lugar o bahagi ng Mindanao nagkukuta ang mga kaaway kaya’t kayo na mismo ang lumayo.
Huwag niyo nang bigyan ng pagkakataon na madakip pa kayo at magamit sa masama nilang balak para makakuha ng pera sa gobyerno o sa kung saan mang ahensya.
Ang tatlo pang kasamahan ni Noel hindi malabong isang araw ay lulutang na naman ang balita at hihingi na naman ng ransom ang Abu Sayyaf kapalit ng kanilang kalayaan at buhay.
SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal maaari kayong magtext sa 09198972854, 09051090451.
Sa mga gustong maka-usap ako ng diretso maaari kayong tumawag sa 710-3618.
Maaari din po ninyong i-like ang www.facebook.com/tonycalvento o i-type na rin ng diretso sa Facebook sa Tony A. Calvento at mag-iwan ng mensahe para sa inyong mga problema.
Hotlines: 09198972854
Tel. Nos.: 7103618
- Latest