ALAM ko medyo may pagka-late na ito ngunit hindi pa rin nawawala sa aking isipan kung bakit umabot sa hablutan ang nangyari sa United Airlines flight sa Chicago O’Hare International Airport patungong Louisville, Kentucky.
Puwersahang kinaladkad si Dr. David Dao palabas ng isang United Airlines flight dahil nga ayaw niyang bumaba upang makasakay ang may apat na crew ng United Airlines na putungo ring Louisville noong panahong iyon.
Naging viral na ang mga video na kuha ng mga ibang pasahero sa naturang flight kung paano nasaktan si Dao sa puwersahang pagkaladkad sa kanya paglabas ng eroplano.
Ganito kasi ‘yon. Hindi ko lubos maisip bakit pilit palabasin ang isang pasahero na was already granted boarding and was already seated sa kanyang upuan sa loob ng eroplano.
Bakit? Hindi ba kayang bumili ng United Airlines ng apat na ticket sa ibang airlines upang makarating ang kanilang crew sa Louisville na hindi sila gumawa ng gulo gaya noong nangyari kay Dr. Dao?
Hindi naman namumulubi ang United Airlines at hindi nila kayang mamasahe para sa kanilang apat na crew?
Ilagay na natin na may $400 nga ang halaga ng apat na ticket sa ibang airlines upang marating lang ng crew nila ang Louisville, eh, di hamak na mas mura pa nga yon sa tinamo ng United Airlines ngayon dulot ng pagkalat ng video ng pananakit kay Dr. Dao.
Anong resulta ngayon? Maliban pa sa bad PR at kasong kinaharap ng United Airlines eh mas sangkatutak na pera pa ang kailangan nilang ilabas upang mabayaran si Dr. Dao sa pinsala at kahihiyang inabot nito.
Eh, di wala sanang gulo kung naisip ng United Airlines na bilhan na lang ng tickets ang apat nila na crew sa ibang airlines upang makarating ng Louisville.
Ano na ngayon? Bumagsak ang shares ng United Airlines sa stock market at talagang may banta ng boycott ng mga pasahero nito sa susunod nilang flights.
Kadalasan nga ang ganid at kasakiman ng tao ay nagdudulot ng hindi magandang kahinatnan.
Siguradong napag-isipan na rin yon ng mga taga United Airlines ngayon.
Kasi dito nga sa Pilipinas ilang ulit nang napabalita na sumasakay si Cebu Pacific President and CEO Lance Gokongwei ng PAL lalo na pag walang flight ang Cebu Pacific sa kung saan siya patutungo o kung minsan punuan na rin ang flights nila.
Hindi ko maintindihan bakit hindi yon magawa ng United Airlines.
Anyway, Happy Easter sa lahat!