Ibang direksyon na
MARAMING naghihintay kung ipatutupad ni Pres. Rodrigo Duterte ang kanyang pinakahuling pahayag hinggil sa mga isla sa South China Sea. Sa isang talumpati sa Palawan, inutusan niya ang militar na okupahan ang mga isla na inaangkin natin, at tayuan ng mga gusali at iba pang istruktura. Sa madaling salita, panatilihin at palakasin ang ating hurisdiksyon sa mga nasabing isla. May siyam na isla na nasa ilalim ng kontrol ng Pilipinas, kasama rito ang Pag-asa Island at Ayungin Shoal, kung saan nakahimpil ang kinakalawang na BRP Sierra Madre at nagsisilbing tirahan ng ilang Philippine Marines.
Nilinaw kaagad ng AFP ang nais umano ni Duterte. Pagandahin ang mga istruktura sa mga isla na hawak na natin, at hindi mang-agaw ng ibang isla, lalo na ang may mga tao o sundalo na ng ibang bansa. Nais ayusin nang husto ang paliparan sa Pag-asa Island, para mas masuplayan nang maayos ang mga nakatira roon. Pagandahin rin ang mga istruktura. May plano pa nga si Duterte na magtungo sa Pag-asa sa ating Araw ng Kalayaan, para itaas ang ating bandila. Nais ding itaas ang ating watawat sa mga ibang isla na hawak na ng bansa.
Sang-ayon ako sa mga kilos na ito. Kailangan na talagang ipakita na hindi tayo basta-basta titiklop sa harap ng ibang bansa pag dating sa pag-aangkin ng mga nararapat sa atin. Tama ang pahayag ni Duterte na nagkakaagawan na, pero matagal nang ginagawa ng China iyan, hindi lang ngayon. Pero ibang-iba na itong direksiyon ni Duterte kumpara sa kanyang maraming pahayag nitong mga nakaraang buwan, kung saan tila bukas na bukas ang kanyang puso at kamay sa China. Kaya marami ang naghihintay kung talagang matutuloy. Nagpahayag pa kailan lang na walang magagawa ang Pilipinas kung magtatayo ng istruktura ang China sa Panatag Shoal, ang pinaka malapit na isla sa bansa. Kung may epekto ito sa pagiging malapit na ng Pilipinas sa China, dahil din kay Duterte, hindi pa alam. Wala pang reaksyon ang China sa mga pahayag at plano ni Duterte, pero asahan natin na hindi magiging maganda. May mga nagsasabi na baka ituloy na ng China ang pagtayo ng istraktura sa Panatag Shoal, bilang ganti sa mga kilos ni Duterte, kung talagang matutuloy. May kuhang litrato na nga ang isang ahensiya ng eroplanong pandigma ng China na nakalapag na sa Woody Island. Patunay na ang pakay at layunin talaga ng China ay militar na gamit sa mga isla, at hindi pang-sibilyan. Abangan.
- Latest