NIYANIG ng magnitude 5.9 na lindol ang Southern Luzon kahapon ng hapon at magpahanggang ngayon may mga nagaganap pang aftershocks. Pinakamalakas ang pagyanig sa Batangas at Oriental Mindoro. Niyanig din ang Laguna, Quezon, Cavite at Metro Manila. Naramdaman din ang lindol sa Bataan at Bulacan.
Noong nakaraang Martes, nilindol na rin ang Batangas (magnitude 5.5) at tinamaan ang isla ng Tingloy kung saan may mga bahagi ang simbahan doon na nabasag ang dingding. Naramdaman ang lindol sa Batangas City, Malvar at Calatagan. Naramdaman din sa Cavite, Laguna, Quezon, Mindoro, Metro Manila at Bulacan.
Noong Pebrero, tumama rin ang lindol sa Surigao (magnitude 6.7) na ikinawasak ng mga gusali, bahay at tulay. Nagkaroon din nang maraming aftershocks. Pinayuhan ng Phivolcs ang mga residente at local officials na ipasuri ang mga bahay at gusali para matiyak kung maaari pang tirhan.
Maaaring lumindol anumang oras. Walang makakapigil sa pagyanig ng lupa kaya nararapat magdaos ng earthquake drill bilang paghahanda. Kailangang maihanda ang mamamayan para huwag mag-panic. Ang pagpa-panic ang dahilan kaya maraming namamatay.
Ayon sa Phivolcs, dapat paghandaan ang “The Big One” sapagkat hinog na ang faults. Noong 2015, inilabas ng Phivolcs ang mga lugar na sakop ng faultline. Ang faultline ay nagsisimula sa Montalban, Rizal, bahagi ng Quezon City, Makati, Muntinlupa, at magtatapos sa Carmona, Cavite. Nagbabala ang Phivolcs na kapag tumama sa Metro Manila ang 7.2 magnitude na lindol, mahigit 30,000 katao ang mamamatay at ang pinsala ay aabot sa P2.4 trillion. Natukoy ang West at East Valley Fault nang magsagawa ng pag-aaral ang Phivolcs katulong ang PAGASA, Mines and Geosciences Bureau at Australian government.
Sa nangyayaring ito na sunud-sunod ang paglindol, ang pagdaraos ng regular na earthquake drill ay mahalaga. Hindi na biro ang mga pagyanig na nagdudulot ng takot at pagpapanik sa mga tao. Kahapon, maraming residente sa Batangas City ang ayaw nang umuwi muna sa kani-kanilang bahay dahil sa pangambang maguho ito at matabunan sila.
Sa pagdaraos ng earthquake drill, mamumulat ang lahat sa kahalagahan ng paghahanda sa pagtama ng lindol. Hindi sila magpapanik kaya marami ang makakaligtas. Mahalaga ito at dapat makiisa ang lahat.