MATAGAL nang ginagawa, miski mali, ang pagtapon ng tiwaling pulis sa Mindanao. Solusyon ‘yan ng commander sa mga talamak na “kotong-cops” pero mahina ang ebidensiya para ipakulong. Mahirap kasi magsakdal ng pulis, paliwanag ni Congressman Romeo Acop, na dating PNP general; atubili tumestigo ang mga kasamahan laban sa scalawag.
Tiyak alam ‘yan ni Pres. Rodrigo Duterte, na dating piskal. Ang mga sinabon niyang 228 na tiwaling pulis Metro Manila ay may mga kaso na. Ani PNP chief Director General Ronald dela Rosa, sinakdal sila noon pang 2014 at 2015. Malamang mahihina ang kaso kaya mabagal ang paglilitis; kung hindi, e di pinarusahan na sana sila ngayon.
Nakakabahala ang kalagayan ng PNP. Kundi man alangan maghabla ay palpak ito sa pangangalap ng ebidensiya laban sa mga kasapi. Kawawa ang bayan. Kung mga tauhan sa ilalim ng PNP ay hindi nito mapatino, e mga naglipanang kriminal pa kaya?
Dalawa sa bawat tatlo ng mahigit 7,000 napatay sa war on drugs ay kagagawan umano ng vigilantes o kaya’y karibal na narco-gangs. Nakatiwangwang ang mga kasong murder; wala halos nalulutas ang PNP. Tuloy inaakusahan ito na pumapayag sa extrajudicial killings.
Ang solusyon ni Duterte ay itapon ang scalawags sa Basilan. Doon sa loob ng dalawang taon, aniya, malamang na mapatay sila ng Islamist teroristang Abu Sayyaf.
May mga tiwaling napapatino sa pagtapon sa hardship posts, ani Acop. Pero karamihan ay nag-a-AWOL (absence without leave), at nagiging full-time na kriminal. Mas nakakalala sila sa kriminalidad sa Muslim Autonomous Region; kaya tuloy nagrerebelde ang mga Moro. Ani Duterte, dahil sa kanilang espesyal na training, ang mga tiwaling pulis at sundalo ang pinaka-pusakal na kriminal -- kaya patayin na raw.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).