SUMUKO si Presidente Duterte sa mga mararalitang miyembro ng kilusang Kadamay matapos sabihin na huwag na lang itaboy ang mga ito mula sa pabahay project ng National Housing Authority (NHA) sa Pandi, Bulacan na sapilitan nilang pinasok at inangkin. Tutal naman daw, ang tanging kasalanan ng mga ito ay ang “pagiging mahirap.” Ang pabahay na ito ay nakalaan sana sa mga pulis at military pero hindi pa inookopahan.
Sabi ng isa kong palabirong kaibigan, baka daw dumating ang punto na pati ang West Philippine Sea ay ibigay na rin ng Pangulo sa China matapos illegal na sakupin ito at nagtayo ng artipisyal na isla doon. Huwag seryosohin ito. Nagpapatawa lang siya. Mga dayuhan ang mga Intsik kaya hindi puwedeng pagbigyan. Hehehe.
Alam natin na ang intensyon ng Pangulo ay upang maiwasan ang kaguluhan sa pagitan ng mga awtoridad at ng mga mararalitang umangkin sa naturang mga pabahay.
Tingin ko, masamang precedent ito para muling maganap ang ganitong insidente sa hinaharap. Papaano kung ang isang nakabili ng bahay, pero hindi pa inuokupahan ay bigla na lamang unahan ng iba sa pagtira? Sa naganap na ito, nangibabaw at nagwagi ang tinatawag na “rule of mob.” Sumuko ang gobyerno sa anarkiya.
Sinabi naman kahapon ni Cabinet Sec. Leoncio Evasco Jr. na hindi pa maibibigay sa mga miyembro ng Kadamay ang mga naturang bahay na nakalaan sa mga sundalo at pulis. Ani Evasco, na chairman din ng Housing and Urban Development Coordinating Council (HUDCC), kailangan pang magkaroon ng evaluation sa mga Kadamay members upang malaman kung kuwalipikado talaga silang mabigyan ng pabahay, at kung hindi pa sila nagawaran ng housing unit noon pero ibinenta o ipinauupa lamang sa iba.
May kuwestyong legal din daw sa paglilipat ng housing title dahil unang nailaan ang pondo sa mga sundalo at pulis. At heto pa ang tanong: Papaano kung mapatunayan na ang isang nang-agaw ng bahay ay hindi kuwalipikado? Pahirapan na naman iyan sa pagpapaalis.