Mabilis na resulta
TULUYAN nang ipinasara ng Mandaluyong City ang clinic kung saan namatay si Shirly Saturnino habang sumasailalim sa liposuction, breast augmentation at butt surgery. Lahat mga pampagandang operasyon. Nadiskubre ng lokal na pamahalaan ang ilang salungatan sa kanilang mga dokumento. Lumabas na dalawa ang nakarehistrong may-ari ng clinic. Kung bakit kailangan ng dalawang klaseng dokumento para sa isang kumpanya ang iniimbestigahan na.
Humihingi naman ng karagdagang panahon ang mga doktor na nag-opera kay Saturnino para magsumite ng kanilang affidavit. Marami ang nagtatanong kung bakit tatlong procedures ang ginawa kay Saturnino at bakit kinailangang sabay-sabay. Kung may kinalaman iyan sa kanyang pagkamatay ay inaalam pa sa pamamagitan ng awtopsiya.
Iyan pa ang isang aspeto ng imbestigasyon na dapat tugunan ng gobyerno, ang crime lab at coroner na humahawak ng mga awtopsiya. Sana ay mas mabilis lumabas ang mga resulta na mahalaga sa mga imbestigasyon. Hindi naman tayo umaasa ng laboratoryo ala “CSI”, kung saan kumpleto sa pinaka-modernong kagamitan, pero sana naman ay hindi inaabot ng linggo, o buwan pa nga ang mga resulta. Makakabuti sa lahat kung may mga bago at magagandang kagamitan ang ating mga crime lab, para maproseso nang mabilis ang mga ebidensiya na makukuha. Kapag tumatagal ang imbestigasyon, may mga milagro nang nagaganap.
Halimbawa ay ang DNA sampling. Sa aking pagkaalam, matagal lumabas ang resulta ng DNA sampling dahil ipinagagawa pa sa iba. Kung sa mga crime lab na lang nagagawa, baka mapabilis ang mga resulta. Naiintindihan ko na mahal ang mga kagamitan, pero kung magagamit naman ng tama at makakatulong sa paghanap ng solusyon sa mga krimen, bakit hindi?
- Latest