Dapat talaga i-appoint na lang ng Presidente ang mga uupo at mamumuno sa barangay sa darating na Oktubre.
Sipain at walisin na ang mga walang silbi, inutil, mga halang ang kaluluwa na nagpapalaki lang ng tiyan sa loob ng mga barangay hall.
Hinalal ng tao pero laging wala sa barangay hall. Kung hindi ilegal na droga ang inaatupag, sangkot at pasimuno sa mga ilegal na sugal tulad ng jueteng.
Yung dapat trabaho nila hindi na nagagampanan. Kapag may mga problema ang mga residente hindi naaayos dahil wala silang pakialam.
Kaya rin naman nabababoy ang mga komunidad dahil sa kanilang katarantaduhan. Kinukunsinti ang anarkiya ng mga illegal settler at pinapayagang bumalandra ang mga sasakyan sa kalsada.
Hindi ko naman nilalahat. Sumasaludo ako sa mga natitirang matitino at binibigyang-galang at halaga ang kanilang trabaho.
Kaya dapat lang suspendihin na ang barangay elections. Panahon na rin siguro para bisitahin at amyendahan ng Kongreso ang batas hinggil sa mga barangay.
Mismong si President Duterte na ang nagkumpirma, 40% ng mga kapitan ng barangay sangkot sa ilegal na droga.
Kaya sa halip na dumaan sa proseso ng botohan maglagay na lang ang presidente ng mga berdugo, matitino, mararangal at may integridad na mamuno at mamahala sa mga barangay.
Bigyan sila ng taning na maisaayos ang kanilang nasasakupan. Bantayan hindi lang ang kanilang mga ginagawa bagkus ganundin ang mga resulta at kinahinatnan ng kanilang gawa. Kung sa ingles pa performance at accomplishment based.
Tingnan natin kung magkaroon pa ng puwang ang mga walanghiya na bastarduhin ang kanilang trabaho na puro pulitika at pamumulitika lang ang alam.
Abangan ang BITAG Live araw-araw na sabay na napapanood at napapakinggan tuwing alas 10:00-11:00 ng umaga sa Radyo5 92.3 News FM at AksyonTV. Para sa iba pang mga palabas, mag-subscribe sa BITAG OFFICIAL YouTube channel.