Hirap ibenta ang bansa

Para sabihin ni Tourism Secretary Wanda Teo na “bawas-bawasan sana ng media ang mga ulat hinggil sa extrajudicial killings” ay patunay na may epekto nga ang mga patayang ito sa industriya ng turismo. Nahihirapan daw silang ibenta ang bansa dahil sa mga ulat ng EJK, na umaabot na sa higit 7,000 napapatay, karamihan ay mga pinatay ng mga di kilalang tao, na nakabalot pa ng tape ang ulo at may karatulang iniiwan. May mga ibang opisyal ng gobyerno ang naghahamon pa nga kung nakakakita ba ng mga turista ng mga bangkay sa kalsada. Pero ang media ba ang dapat pakiusapan o sisihin pa nga ni Teo, o ang madugong kampanya ng adminis­trasyong ito laban sa iligal na droga, na malinaw ay may basbas mula sa pinakamataas na opisyal ng bansa?

Parang nakikiusap ang may-ari ng isang kainan, na huwag naman siraan nang husto ang kanyang kainan, dahil nababawasan ang kanyang mga parukyano. Pero kaya naman pala napapag-usapan ay dahil masama ang kanyang pagkain at marumi ang lugar. Hindi ba dapat ang may-ari ng kainan ang kumilos para mabago ang kanyang imahe, at hindi ang sinasabi ng mga nakakain na doon?

Hindi lang naman lokal na media ang nag-uulat tungkol sa mga patayan sa Pilipinas, kundi pati na rin ang ibang media sa mundo. Nalalagay na nga sa masamang sinag ang bansa dahil dito. Nakapagtataka pa ba kung bakit iniiwasan na lang ng mga turista ang Pilipinas at magtutungo na lang sa ibang bansa tulad ng Thailand, Indonesia, Hong Kong at iba pang lugar sa Timog-Sila­ngang Asya? Sigurado ako may krimen at iligal na droga rin sa mga bansang iyan, milyun-milyon pa rin ang bilang ng mga turista sa kanila. Ang pinagkaiba lang siguro ngayon ay walang tila araw-araw na patayan, tulad ng nagaganap ngayon sa Pilipinas. Hindi rin nakatulong ang kaso ng Koreanong si Jee Ick-joo, na pinatay umano ng mga pulis sa loob mismo ng Camp Crame.

Nahuhuli na nga ang Pilipinas pagdating sa turismo, kumpara sa ibang bansa sa rehiyon. Bukod sa mga nauulat na EJK, marami pang aspeto kung bakit tila naiiwanan na nga tayo. Aminin natin na iilan pa lang ang mga kilalang destinasyon para sa mga turista – Boracay, Palawan, Cebu – dahil ito pa lang ang maganda ang development. Marami pang lugar ang hindi lang nabibigyan ng pansin dahil bukod sa walang imprastraktura, may mga problema sa pagpapatakbo ng lugar. Kung talagang ibebenta ang bansa sa turista, kailangan lahat ng aspetong iyan ay natutukoy, hindi lang ang pag-uulat ng media hinggil sa EJK.  

Show comments