Mukhang gumagaya na rin ang China sa estilo ng administrasyong ito. Itinanggi ng kanilang foreign ministry na may plano nang magtayo ng environmental monito-ring station sa Panatag Shoal, sa kabila ng pahayag ng isang lokal na opisyal mula Sansha City, ang siyudad na namamahala sa Panatag o Scarborough Shoal, na magtatayo na ng istasyon. Naging mabilis ang reaksiyon mula sa Pilipinas, na umaangkin din sa nasabing lugar, pero sa ngayon ay hinahawakan ng China nang makuha ito noong 2012.
Ganun pa man, dapat bantayan kung magkaroon nga ng pagtatayo ng istraktura sa Panatag Shoal na napakalapit na sa Pilipinas. Kung pagbabatayan ang mga nakaraang kilos ng China sa ibang isla, ang tinatawag na environmental monitoring station ay pasimuno lang sa paglagay ng mga kagamitang militar, tulad ng radar at armas pa nga. Binanggit ni Defense Sec. Delfin Lorenzana na magsisimula na sana ang China magtayo sa Panatag, pero pinigilan daw sila ng mga Amerikano. Sana nga ay nagbabantay rin ang mga Ameriknao dahil kung si Pres. Rodrigo Duterte ang tatanungin, wala raw siyang magagawa kung ano ang gustong gawin ng China. Pero ayon din kay Duterte, hindi raw magtatayo ng istruktura ang China sa Panatag. Magkaibigan na raw ang dalawang bansa, kaya hindi raw gagawin. Sana nga.
Pinadala na nga ang BRP Ramon Alcaraz sa Benham Rise para mag-patrol. May kakayanan ang barkong ito na manatili sa laot ng isang buwan. Mabuti na at may barko ng Pilipinas sa lugar. Bagama’t aminado naman ang ating Hukbong Karagatan na hindi kayang bantayan ng isang barko ang buong Benham Rise, gagawin pa rin nila ang lahat sa kanilang kakayanan para bantayan ang ating teritoryo at ang ating karapatan sa karagatan. Kung sakaling may barko pa ng China sa lugar, kailangan patunayan nila na inosenteng paglalayag lang ang kanilang ginagawa. Hindi na ito South China Sea. Wala nang “Nine Dash Line” dito, kaya wala na talagang masasabi hinggil sa teritoryo.