Pagtapon sa Mindanao nagpapalala sa tiwali
Napatunayang mali noon pang dekada-’80 ang paglipat ng tiwaling pulis sa Mindanao. Hindi sila nadidisiplina doon; lumalala pa nga ang pagka-kriminal nila. Ang pagtapon ng scalawags sa Mindanao ay parang pagpapakawala ng pagong sa dagat. Manatili man sila sa pulisya o mag-AWOL, lumalawak ang koneksiyon nila sa mga sindikato sa gunrunning, private armies, kidnapping for ransom, robbery in band, at murder for hire. Kaya nga nu’ng dekada-90 hinigpitan ng PNP ang pagsala ng recruits, at disiplina. Tinugis, sinakdal, at ikinulong ang mga tiwali. Repasuhin sana ni PNP director general Ronald dela Rosa ang case histories ng mga sentensiyadong pulis sa mga bilangguan.
Mabababaw ang tatlong rason ni Dela Rosa para itapon ang scalawags sa Autonomous Region for Muslim Mindanao. Una, aniya, wala raw doong Koreano na maki-kidnap for ransom nila sa, halimbawa, Basilan Island. Aba, hindi ba niya nababalitaan ang mga kinikidnap doon na mga negosyante, Pilipino man o dayuhan? Ikalawa, aniya, papatayin ng mga Moro sa ARMM ang mga pulis na bibiktima sa kanila. E kung kamatayan lang pala ng rogue cops ang pakay niya, bakit hindi niya sila panatilihin sa pook na pinag-abusohan, para makabawi ang mga biktima doon? Ikatlo, aniya, kapag mag-AWOL sila sa Mindanao mawawalan ng sakit-ulo ang PNP sa pangangasiwa sa kanila. Teka, hindi ba taliwas ‘yon sa misyon ng PNP na ipagtanggol ang mamamayan laban sa krimen?
Ipinapalagay ni Dela Rosa na 2% lang, o 3,200 ng 160,000 pulis ang bugok. Pag-aralan sana niya ang records. Merong 6,000 pulis sa huling narco-list ni Commander-in-Chief Rodrigo Duterte. Sa unang listahan ay may limang narco-generals, at sa ikalawa ay merong 155 officers.
Kapag inako ni Dela Rosa ang lawak ng paglaylay ng disiplina, saka pa lang niya ito malulutas. Apat na aspeto ang kailangan ayusin: patakaran sa recruitment, pagsasanay, performance, at pagpaparusa. Kailangan suriin ang record ng bawat pulis.
- Latest