Ang Benham Rise ay parte ng karagatan sa Philippine Sea na bahagi ng Pilipinas. Ito ay inaayunan ng United Nations Law of the Seas (UNCLOS). Opisyal na kinikilala ng UNCLOS na ang naturang karagatan ay bahagi ng extended continental shelf ng Pilipinas at nakapaloob sa ating exclusive economic zone, bagamat hindi ito matatawag na ating teritoryo.
May karapatan ang Pilipinas na tuklasin at anihin ang ano mang likas na kayamanan sa karagatang ito, tulad ng mga mineral at laman-dagat. Ito ay tinatayang nasa 250 kilometro sa silangan ng hilagang baybayin ng Dinapigue, Isabela. Kung literal na tatagalugin, ang ibig sabihin ng Benham Rise ay Talampas ng Benham.
Nitong mga nakalipas na araw, naging kontrobersyal ang rehiyon na ito matapos mamataan ang mga sasakyang pandagat ng China na aali-aligid sa naturang karagatan. Medyo “allergic” na tayo sa ganyang gawain ng Tsina. Kakaba-kaba tayo na baka pagmulat ng mga mata natin isang araw ay nagtayo na naman ang naturang bansa ng artipisyal na isla doon gaya ng ginawa nila sa Scarborough Shoal sa West Philippine Seas.
Parehong nagsalita na ang Department of Foreign Affairs at ang Department of National Defense na nagkakaisang “sa atin” ang naturang bahagi ng karagatan. Pero ano magagawa natin kung gumawa na naman ng pangangamkam ang Tsina? Mismong si Presidente Duterte ang nagsabi na hindi tayo uubra sa lakas-militar ng higanteng bansang ito.
Ang hindi ko maunawaan, sinabi ni Duterte na siya ang nagbigay ng pahintulot sa Tsina na magsagawa ng scientific research sa naturang karagatan, bagay na hindi naman pala alam ng DND at DFA! Nagtaka pa nga si Defense Secretary Delfin Lorenzana nang sabihin sa kanya ng mga reporter ang pahayag ni Duterte. Naku, hindi maliit na usapin ito. Dapat maagapan bago magpasya ang Tsina na agawin na naman mula sa atin ang isa pang mahalagang teritoryo.
Mukhang lumalabas na ang asal-diktador ni Duterte. Sana ay nagkakamali ako. Pero kung paniniwalaan ang sinabi niya na siya ang nagbigay ng permiso sa Tsina para pumalaot sa ating teritoryo at gumawa ng ano mang operasyon doon, paano siyang nakapagdesisyon nang hindi sumasangguni sa kanyang gabinete at iba pang ahensya na dapat niyang sangguniin? Nagtatanong lang.