Buhay na buhay
Kung kinuwestiyon ng ilang mga senador ang kredibilidad ni SPO3 Arturo Lascañas dahil sa pagbawi niya ng mga ipinahayag noong Oktubre, mas lalong magdududa ang mga senador, pati na rin ang mamamayan, ngayong lumutang ang sinasabing “dance instructor” (DI) ng kapatid ni Pres. Rodrigo Duterte na pinatay nila umano. Sa pamamagitan ng Facebook, nagpakita na “buhay na buhay” si Ruben Baguio. Siya raw ang sinasabing DI ni Jocelyn Duterte mula pa noong 2007. Kaya ano na ang mangyayari sa lahat ng ipinahayag ni Lascañas?
Kinumpirma ni Lascañas ang unang binanggit ni Edgar Matobato na may pinatay silang DI, bagama’t hindi nagbanggit ng pangalan. Dapat siguro nagbanggit sila ng pangalan. Kaya kung buhay na buhay si Baguio, may ibang DI ba na tinutukoy, o mali ang napatay nilang tao, kung meron man?
Hindi na magkakaroon ng pagdinig sa Senado hinggil sa isyu na ito, maliban na lang kung may maipapakitang matibay na ebidensiya sina Lascañas at Matobato na magpapatunay sa lahat ng kanilang sinasabi. Nasa kanila nga ang bola, ika nga. Sila ang dapat magpakita ng ebidensiya, at hindi umasa sa pahayag o testimonya lamang. Hindi na sila bibigyan ng pagkakataon magsalita sa Senado, mas lalo na sa Kongreso. Tulad niyan, baka mawala na ang kredibilidad ni Lascañas dahil sa paglutang ni Baguio.
Nagtataka naman ang marami kung bakit tikom ang bibig ni PNP chief Dir. Gen. Ronald dela Rosa sa mga pahayag ni Lascañas. Binanggit ni Lascañas si Dela Rosa sa kanyang testimonya sa Senado. Dating hepe ng Davao City police si Dela Rosa. Alam daw ni Dela Rosa ang ilang mga pinapatay umano ni Duterte, at may insidente pa nga na hindi raw sinunod ang utos na patayin ang dalawang kasama ng isang kriminal na pinatay na. Ayaw magkomento at magsasalita lang kung tatawagin sa Senado. Hindi na nga siguro magsasalita dahil wala nang susunod na pagdinig sa Senado. Pero hindi rin niya itinanggi ang mga ipinahayag ni Lascañas. Bakit kaya?
- Latest