KAHIT sa mga pangyayari sa ating buhay, maaaring i-apply ang theory of relativity ni Albert Einstein. Anang henyong siyentista, yung nakikita ng pasahero mula sa bintana ng umaandar na bus ay kakaiba sa nakikita ng mga taong nasa labas ng bus.
Ganyan din ang opinyon ng mga tao. Nagkakaiba, depende sa kultura o politikal na pananaw. Nakakulong na ngayon sa PNP Custodial Center si Sen. Leila de Lima na ipinagsakdal sa kasong pamamahagi ng illegal na droga sa loob mismo ng New Bilibid Prisons.
Para sa Senadora at sa iba pang naniniwala sa kanya, ito ay isang uri ng political harassment. Ngunit para sa ibang tao, patunay ang pagkakaaresto kay de Lima na walang sinisino ang hustisya. May hustisya nga ba sa pangyayaring ito o wala? Kailangan nating magsuring mabuti, at kung wala tayong mahagilap na ebidensya para patunayan ang ating konklusyon, sarilinin na lang natin ang ating opinyon.
Wika nga, ipaubaya sa mga hukom ang paghahatol at sama-samang manalangin na lumutang ang katotohanan. Hindi sapat maging batayan ng ating konklusyon ang pagiging “hard-hitting” ni de Lima sa mga mararahas na patakaran ng Duterte administration upang sabihing ito’y political harrassment.
Hindi rin sapat ang mga ebidensyang inilalantad ng mga umuusig kay de Lima para agad tayong humatol na siya ay nagkasala. Ibig sabihin, hindi natin dapat kondenahin o kampihan karakaraka ang Senadora kung wala tayong kaalaman sa mga kasong ibinibintang sa kanya.
Nasabi ko ito dahil sa umiinit na debate ng mga taong may magkakaibang opinion, lalu na sa social media. Nakakalungkot pero lubhang malakas ang social media upang maghasik ng pagkakahati ng mga mamamayan sa ating bansa. Hindi pagkakawatak ang kailangan natin ngayon kundi pagkakaisa dahil ito ang kulang kung kaya hindi umuunlad ang ating bansa.