Hindi na bago ang modus na rentangay. Nakakatawa lang dahil ang ibang mga nagsasalitang personahe at ilang mga kabaro ko sa media, parang bago pa lang ito sa kanilang pandinig.
Rentangay, ito ‘yung modus sa mga sasakyang tinatangay at tuluyang hindi na isinasauli sa may-ari. Modus ng mga sindikato na ang target mga engot na may-ari ng sasakyan. Sa halip kasi na ingatan, pinagkakakitaan.
Hindi pa tapos bayaran sa banko, pinarerentahan na agad dahil walang kakayahang hulugan buwan-buwan. Labag ito sa pinirmahan nilang kontrata sa car loan. Kaya ang mga sindikato, hindi na kailangang magpapawis pa para mangarnap sa mga parking area at lansangan.
Magpapanggap lang silang lehitimong car renters sa mga car rental business. Oras na hawak na nila ang susi ng rerentahan, pagkakataon na nila ito para tangayin at ibenta. Matatalino rin ang mga ulupong na mga kawatan. Kaya malalakas ang loob na makipagmatigasan sa mga totoong may-ari ng sasakyan, napag-aralan na nila ang legalidad ng mga car loan.
Iba naman ang modus sangla-benta-carnap o “sanbencar”. Nag-ugat din ang modus na ito sa rentangay. Ang kanilang target, mga naglalaway magkaroon ng mura pero maganda pa ang kondisyon ng sasakyan.
Ang nakasanla sa kanilang sasakyan, ibebenta sa mga possible victim. Pero bago pa nila ikasa ang transaksyon, napag-aralan na nila ang biktima. Saan ito nakatira, saan naglalagi at kung saan nagtatrabaho. May mga hawak silang spare key ng mga pinakakawalan nilang sasakyan. Oras na nalingat ang biktima, hulog na siya sa BITAG ng mga sindikato. Dahil ang ibinenta sa kanyang sasakyan, kakarnapin ng mga kawatan para ulitin uli ang proseso ng kanilang modus.
Patuloy na babala ng BITAG sa publiko, maging mausisa, matalino at paladuda sa mga nagmamagandang-loob kuno na nag-aalok ng mga second hand vehicle. Huwag nang mapasama sa estatistika ng mga nabibiktima. Nasa amin ang babala, nasa inyo ang pag-iingat.
Abangan ang BITAG Live araw-araw na sabay na napapanood at napapakinggan tuwing alas 10:00-11:00 ng umaga sa Radyo5 92.3 News FM at AksyonTV. Para sa iba pang mga palabas, mag-subscribe sa BITAG OFFICIAL YouTube channel.