KAPAG may nangyaring malagim na aksidente saka lamang nagkukumahog ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) para kastiguhin ang mga sangkot na kompanya ng bus. Pero kapag malamig na ang isyu at nalimutan na ang malagim na pangyayari, balik na naman sa dati ang LTFRB. At sa pagwawalambahalang ito, ang maliliit na mamamayan ang apektado. Walang ibang talo kundi ang mahihirap na umaasa sa pampublikong transportasyon.
Ang malagim na nangyari sa Panda Tours bus na inarkila ng Best Link College of the Philippines para sa camping tour sa Tanay, Rizal ay dapat magbukas sa isipan ng mga namumuno sa LTFRB. Labinlimang estudyante ang namatay at 30 ang nasugatan nang bumangga ang Panda Tours sa poste ng kuryente habang patungo sa lugar ng camping noong Lunes ng umaga. Nawalan ng preno ang bus habang palusong sa kurbadang bahagi ng kalsada hanggang bumangga sa poste. Sa lakas ng impact, natanggal ang bubong ng bus.
Ayon sa mga nakaligtas na estudyante, mayroon na silang naamoy na gomang nasusunog pero hindi raw ito pinapansin ng driver. Hanggang sa magpagiwang-giwang na ang bus at binangga na ang barriers sa gilid ng kalsada at ang kasunod ay ang sigawan ng mga estudyante.
Lumalabas na mayroong deperensiya ang bus nang tinatahak na ang paahon, palusong at kurbadang kalsada sa Tanay. Sa kabila nito, ipinagpatuloy pa ng driver ang pagmamaneho. Maaaring hindi nainspeksiyon ang bus bago ibiyahe. Napag-alamang 12 taon na ang bus at marami nang deperensiya particular ang preno.
Hindi lamang ang naaksidenteng bus sa Tanay ang may ganitong problema. Marami pang “Kabaong Bus” na yumayaot hindi lamang sa Metro Manila kundi sa malalayong probinsiya. Sa EDSA na lamang, maraming “Kabaong Bus” na nakikipagkarera kay Kamatayan. At sa kabila na marami nang kaso ang bus, patuloy pa ring yumayaot. Kung maghihigpit ang LTFRB sa pagbibigay ng prankisa sa mga “Kabaong Bus”, maiiwasan ang trahedya. Kumilos sana ang LTFRB.