EDITORYAL - Tutukan din ng DENR ang illegal loggers
HINDI lamang ang illegal mining activities ang dapat tutukan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) kundi pati na rin ang illegal loggers. Salot na maituturing ang mga illegal na magtotroso sapagkat sila ang dahilan kung bakit nagkakaroon ng mga pagguho ng bundok, pagkakalbo ng mga gubat at pagkakaroon ng mga malalaking baha. Dahil wala nang mga punongkahoy sa mga bundok, humihina ang lupa at naguguho sa matinding ulan. Nagkakaroon nang pagbaha at inaanod mismo ang mga pinutol na kahoy o troso.
Ang pagbaha sa Cagayan de Oro at iba pang probinsiya sa Northern Mindanao noong nakaraang buwan ay isinisisi sa illegal logging. Nasorpresa ang mga residente sapagkat sa isang iglap at tumaas ang tubig at marami ang na-stranded. Huling naranasan ang matinding pagbaha sa Cagayan de Oro noong 2011 nang manalasa ang Bagyong Sendong. Pero sabi ng ilan, mas matindi ang baha ngayon sapagkat napakabilis tumaas ng tubig. Ang talamak na pagputol sa mga kahoy ang dahilan nang pagbaha sa CDO.
Ang Compostela Valley at iba pang lugar sa Davao del Norte at Davao Oriental ay talamak din ang illegal logging. Ayon sa report ang Compostela ang may pinakamataas na bilang ng illegal logging activities sa buong bansa. Kaya marami ang nangangamba na sa mga darating na panahon, magkakaroon ng mga malalaking pagbaha sa lugar sapagkat mapapanot nang tuluyan ang mga bundok. Pawang mga primera klaseng kahoy ang pinuputol ng loggers sapagkat mahal kung ibenta. Mauubos ang mga kahoy dahil sa mga salot na magtotroso at walang ibang kawawa kundi ang mamamayan.
Paigtingin ng DENR ang kampanya laban sa illegal loggers. Pakilusin ng pamahalaan ang Armed Forces of the Philippines para mabantayan ang mga gubat. Mas mapuproteksiyunan ang mga gubat kung may mga sundalo sapagkat walang kalaban-laban ang forest guards sa mga armadong magtotroso. Huwag hayaang ubusin ng illegal loggers ang mga kahoy.
- Latest