Malaking problema ngayon ang suplay ng tubig sa Surigao, dahil sa malakas na lindol na tumama noong Biyernes. Kabalintunaan nga na tubig ang problema ng isang siyudad na nasa tabi ng dagat. Kung saan-saan pa nanggagaling ang tubig para sa mga residente. Hadlang din sa mabilis na pagdala ng tulong ang mga nasirang kalsada at tulay papasok sa siyudad, pati na rin ang pagsara ng airport ng Surigao dahil bitak-bitak ang runway. Hindi pa nga masabi kung kailan mabubuksan muli ang airport.
Kailangan talagang pag-aralan ng gobyerno ang pagtayo ng “desalination plants” sa mga siyudad sa bansa, partikular mga hirap sa tubig. Ito ang proseso ng pagtanggal ng asin mula sa tubig-dagat. Maraming bansa ang nakikinabang sa teknolohiyang ito. Mga malalaking barko na may sariling kagamitan para magtanggal ng asin sa tubig-dagat, para magamit ng mga mandaragat. Bakit hindi ito magawa para sa mga siyudad tulad ng Surigao?
Ayon sa International Desalination Association noong Hunyo 2015, 18,426 desalination plants ang umaandar sa buong mundo, na nagsusuplay ng tubig para sa 300 milyong tao araw-araw. Ang pinakamalaking planta ay nasa Saudi Arabia. Dahil disyerto nga ang kanilang bansa, hindi mahirap intindihin na sila ang may pinakamalaking planta. At dahil mayaman na bansa, walang problema ang gastos para itayo ang malaking planta.
Mahal din kasi ang magtayo ng desalination plant. At dahil mahal itayo, magiging mas mahal din ang tubig na malilikha ng planta. Pero kailangang makita rin ang benepisyo kung may ganyang planta sa mga lugar na hirap na sa tubig. Katulad ng nagaganap ngayon sa Surigao. Hindi natin masasabi kung kailan magkakaroon ng kalamidad, kung saan maghahanap ang mga apektado ng mga pangunahing pangangailangan, tulad ng tubig.