Puwersa ng kalikasan

NAKITA na naman kung gaano tayo kahina, na walang magawa kapag ang mga puwersa ng kalikasan ang kumikilos. Isang Magnitude 6.7 na lindol ang tumama sa Surigao City noong Biyernes. Malakas ‘yan. Sa ngayon, pito ang kumpirmadong patay, higit 100 ang sugatan at malawak ang pinsalang idinulot sa imprastraktura tulad ng mga gusali, tulay, kalsada, pati ang paliparan ng Surigao. Napilitang isara ng CAAP ang paliparan dahil sa malalaking bitak sa runway. Malaking hadlang ito sa pagdala ng mga mabilis na ayuda sa mga apektado ng lindol.

Problema na nga ang tubig sa Surigao, na lumala pa dahil sa lindol. Ang tubig na inaaasahan ng mga residente­ ngayon ay nanggagaling pa sa mga ibang lungsod o lalawigan. Wala pang kuryente sa maraming lugar, sa kabila ng pagsasaayos ng mga linya. Kailangan na ka­ilangan ng mga taga-Surigao ang tubig at pagkain. State of calamity ang idineklara na sa Surigao, para mapigilan ang pagtaas ng presyo ng bilihin, at para mas mabilis ang pagbigay ng pondong kailangan para sa tulong. Kailangang bantayan kung may mga mananamantalang mga negosyante. Kapag nahuli, multahan, ikulong at kasuhan.

Ayon sa Phivolcs, ang malambot na lupa ang dahilan kung bakit malawak ang pinsalang dulot ng lindol sa Surigao. Liquefaction ang tawag diyan, na karaniwan sa mga lugar na malapit sa dagat o lawa. Nagiging walang saysay ang mga pundasyon ng mga gusali at kung ano pang mga istraktura. Higit 100 taon na rin ang lumipas nang gumalaw ang Surigao fault line. Tila nagparamdam ang fault line ngayon na aktibo pa rin. Ipinakita muli ng lindol kung gaano hindi kahanda ang ating imprastraktura sa mga malalakas na pagyanig. Karamihan ay hindi ginamitan ng disenyo para tablahan ang lindol. Para sa bansa na maraming aktibong fault line, tila hindi binibugyan ng halaga ang disenyo na pangontra o panabla sa lindol, tulad ng Japan at San Francisco sa US.

Patuloy na nakakaramdam ng aftershocks ang Surigao, dahil hindi pa mapanatag ang fault line. Kumikilos na ang gobyerno para mabigyan ng unang lunas at tulong ang mga apektado ng lindol. Inaasahan na natuto na mula sa lindol na tumama sa Bohol noong 2013. Nasa 7.2 ang lakas ng lindol na tumama doon. Patuloy pa rin ang pagbangon ng Bohol mula sa lindol. Inaasahan na maisasaayos na kaagad ang paliparan ng Surigao, para magamit sa pagdala ng tulong mula sa buong bansa. Ipagdasal na rin na walang ibang fault line ang gumalaw, partikular ang mga fault line na mistulang sugat sa buong Metro Manila.

Show comments