EDITORYAL - Walang ginagawang earthquake drill

WALA pang ginagawang earthquake drill sa Metro Manila ngayong 2017 at kung magkakalindol, maaaring mag-panic ang mga tao dahil hindi nila alam ang gagawin. Ang huling earthquake drill ay noon pang Hunyo 2016. Sana, magdaos ng regular earthquake drill at pangunahan ito ng Metro Manila Development Authority (MMDA). Lubhang mahalaga ito lalo pa’t marami nang naitatalang pag­lindol sa maraming bahagi ng bansa gaya nang nangyari sa Surigao noong Biyernes na ikinamatay ng walong tao at ikinawasak ng mga bahay at mga gusali. Magnitude 6.7 ang lindol na tumama dakong alas diyes ng gabi. Hanggang ngayon, wala pang kuryente sa maraming lugar sa Surigao.

Ang lindol na nangyari sa Surigao ay maaaring mangyari sa Metro Manila at marami pang lugar kaya mahalaga ang pagdaraos ng drill para maihanda ang mamamayan at huwag mag-panic. Ang pagpa-panic sa oras ng mga kalamidad ang dahilan kaya maraming namamatay.

Anumang oras ay maaaring lumindol sa Metro Manila. Sabi ng Philippine Institute on Volcanology and Seismology (Phivolcs), walang makapipigil sa paggalaw ng West Valley fault. Payo ng Phivolcs, kailangan ang earthquake drill para maihanda ang mamamayan sa “The Big One”.

Noong Mayo 2015, inilabas ng Phivolcs ang mga lugar na sakop ng faultline ganundin ang mga isruk­tura na nasa ibabaw nito. Ayon sa Phivolcs, ang faultline ay nagsisimula sa Montalban, Rizal at nagtatapos sa Carmona, Cavite. Kung tatama ang 7.2 na lindol sa nasasakop ng faultline maraming mamamatay. Noong 2013, nagbabala na ang Phivolcs na kapag tumama sa Metro Manila ang 7.2 magnitude na lindol, 37,000 katao ang mamamatay at ang pinsala ay aabot sa P2.4 trillion. Natukoy ang West at East Valley Fault nang magsagawa ng pag-aaral ang Phivolcs katulong ang PAGASA, Mines and Geosciences Bureau sa tulong ng Australian government.

Magsagawa ng regular na earthquake drill at pangunahan ng MMDA. Nararapat na mamulat ang lahat sa kahalagahan ng paghahanda sa pagtama ng lindol. Magdaos din sana ng fire drill sapagkat kadalasang ang kasunod ng lindol ay sunog. Hindi dapat ipagwalambahala ang ang pagtama ng lindol.

Show comments