EDITORYAL - ROTC buhay na naman!
PLANTSADO na ang pagbabalik ng Reserve Officers Training Corps (ROTC). Tinupad ni Pres. Rodrigo Duterte ang sinabi na susuportahan niya ang pagbuhay sa ROTC. Sabi ni Duterte, ang pagbabalik sa ROTC ay paraan din para madisiplina ang mga kabataan at huwag mahikayat na gumamit ng illegal na droga. Kailangan daw maibalik ang ROTC sapagkat nawawala ang pagmamahal ng kabataan sa bayan.
Noong nakaraang Martes, isang batas ang inindorso ni Duterte sa pagbuhay sa ROTC. Sa panukalang batas, isasailalim sa ROTC ang mga estudyanteng nasa Grade 11 at 12. Pero sabi ng Presidente, ang bubuhaying ROTC ay kakaiba sa dating ROTC noon na batbat ng corruption. Ngayon, aniya, ang bagong ROTC ay hindi mamamantsahan ng corruption, walang hazing at sexual harassment. Nangako rin umano ang Armed Forces of the Philippines (AFP) na magkakaroon ng paghihigpit para maiwasan ang hindi magandang pangyayari sa ROTC.
Madali lamang magsalita na hindi madudungisan ang ROTC. Paano sila nakasisiguro na walang mangyayaring corruption dito? Kung sa PNP na grabeng higpit ay nakakalusot pa rin ang scalawags, sa ROTC pa. Maaaring sa simula ay walang katiwalian pero paano kapag nagtagal na? Sa pagsasailalim ba sa ROTC lamang maipakikita ang pagmamahal sa bayan? Marami pa namang maaa-ring gawin para maging makabayan.
Inalis sa kurikulum ang ROTC noong 2001 makaraang mabulgar ang corruption sa UST Corps of Cadet na ibinulgar mismo ng kadeteng si Mark Welson Chua. Isinangkot ni Chua sa katiwalian ang mga kapwa cadet officers. Subalit makaraang ibulgar, brutal na pinatay si Chua. Sinakal siya at saka nilagyan ng masking tape ang kanyang katawan, tinalian ang mga kamay at saka binalot sa carpet at itinapon sa Pasig River. Narekober ang kanyang bangkay makalipas ang ilang araw. Nahuli ang isa sa mga killer at nahatulan ng bitay subalit may mga nakakalaya pa hanggang sa kasalukuyan. Ang pagkakapatay kay Chua ang naging daan para mabuwag ang ROTC.
Huwag nang pahirapan ang senior high school sa pagsasailalim sa ROTC. Hindi lang naman ito ang maaaring humubog sa kanila para maging tunay na kapaki-pakinabang na mamamayan. Marami pang paraan.
- Latest