SA MGA BALITA pa lang napakarami ng storya ng pagpatay, panggagahasa at pagkidnap kaya isinusulong ngayon ang pagbuhay muli sa ‘death penalty’.
Ilan pa sa mga nagiging suspek sa mga pagkidnap o mga sindikato ay dating pulis o dating militar. Ngayon naman ay nasa posisyon pa ang mga ito tulad na lang nang nangyari sa Korean businessman.
Ipinatawag pa ang mga pulis na may kinakaharap na kaso para linisin ang hanay ng kapulisan at para magbalik ang tiwala ng mga Pilipino sa kanila.
Marami ang pumapabor kay Presidente Rodrigo Duterte sa pagbuhay ulit ng death penalty pero marami rin ang tumututol at isa na nga rito ay ang Simbahang Katoliko.
Ang pagpapataw ng death penalty ay para sa mga ‘heinous crimes’ tulad ng Murder, Rape, Treason, Qualified Bribery, Parricide, kidnapping and serious illegal detention, Qualified piracy, Infanticide, Robbery with violence against or intimidation of persons, destructive arson, plunder, maintenance of drug den, possession of dangerous drugs, carnapping etc.
Sabi ni Senator Leila De Lima dapat sa deliberasyon ng death penalty ay iisantabi ng mga mambabatas ang kanilang politikal na ugnayan.
Nauna nang binanggit ni House Speaker Pantaleon Alvarez na aaalisin sa posisyon ang mga House members na tututol sa pagbabalik ng death penalty sa bansa.
Seryoso si Speaker Alvarez nang sabihin niya ito. Si dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ay kailangan daw palitan bilang deputy speaker dahil tutol ito sa capital punishment o death penalty.
Paano naman boboto si Congresswoman Arroyo na ibalik ang pagpataw ng death penalty ay siya mismo ang pumasok sa kasunduan noong administrasyon niya sa Second Optional Protocol to the International Covenant on Civil and Political Rights na ang Pilipinas ay isa sa nakiisa na i-abolish ang death penalty.
Maliban pa rito ay may naisabatas ang RA No. 9346 o Republic Act No 9346 o An Act Prohibiting the Imposition of Death Penalty in the Philippines.
Labing dalawang kongresista ang bumoto na ibalik ang death penalty sa bansa habang anim naman sa kanila ang hindi pumabor.
Suportado naman ng Senate President na si Aquilino “Koko” Pimentel na muling buhayin ang parusang ito.
Dating chair of the Senate Committee on Justice and Human Rights si Pimentel pero sinabi niyang handa siyang sumuporta sa kasalukuyang administrasyon.
Ito ay para matigil ang kriminalidad sa bansa.
Nung tumatakbo pa lang ang Presidente sinabi niyang bigyan siya ng tatlong buwan at susugpuin niya ang iligal na droga sa bansa.
Umabot ng anim na buwan at umabot ng anim ng buwan dahil sinabi niyang hindi niya akalain na ganito pala kalaki ang problema ng bansa sa iligal na droga. Ngayon ay humihiling na siya ng isang taon.
Iniluklok siya ng taong bayan dahil sa pangako niyang lalabanan ang iligal na droga at pagbuhay ulit ng death penalty.
Talaga namang pinaninindigan niya ang kanyang salita at hanggang ngayon ay dinidinig pa kung magtutuluy-tuloy ba ito.
Ayon pa kay De Lima sana nga ay pagdating sa deliberasyon sa Senado ay hindi ito matulad sa House of Representatives na may ‘coercion’ at ‘arm twisting’.
Hindi raw siya magugulat kung ganito ang kanilang taktika. Pero hiling niya ay sana hindi ito magawa sa Senado at mas mahihirapan daw sila sa Senado pagdating ng deliberasyon.
Maaalalang binansagan na noon si Presidente Duterte bilang ‘The Punisher’ ng Time Magazine.
Ngayon naman kung maibabalik ang death penalty sa bansa baka mapalitan natin ang China, Iran at Pakistan bilang ‘top executioner’.
Sinabi ito noong nakaraang taon ni House deputy Minority Leader at Buhay Party List Rep. Lito Atienza na magiging senaryo kung matutuloy nga ito.
Kung magkakaroon ng limang beses na pagbitay sa isang araw mahigit dalawang libo bawat taon.
Kilala pa naman daw ang Pilipinas bilang dominado ng mga Katoliko. Hindi pa man nahahalal si Presidente ay tinutuligsa na siya ng simbahan. Kahit pa hindi pabor sa kanya ang simbahan ay ang taong bayan naman ang pumabor sa kanya dahil sa mga ipinangangako niyang pagpapaganda sa ating bansa.
Dagdag pa ni Atienza taliwas daw ito sa katangian ng mga Pilipino na may pagpapahalaga sa buhay. Hindi daw nararapat at walang puwang ang pagkitil ng buhay judicial man o extra judicial.
Sinabi ni Risa Hontiveros na ang pagbabalik ng death penalty ay pinapapili tayo sa pagitan ng extra judicial killings o judicial killings. Hindi ba natin pwedeng piliin ang sistemang pangkatarungan dito?
Wala na ba tayong tiwala sa judicial process na ang isang tao ay maaari pang sumailalim sa rehabilitasyon at pwede pang magbago ng landas na kanyang tatahakin.
Ika nga ni Basha at Popoy na ‘Second Chance’.
Ang death penalty ay anti-poor dahil wala pang napapatawan at napapatay mula nung silya elektrika pa ito na mayaman at natuloy ang kannyang sintensya na siya ay mabitay maliban kay Jaime Jose isa sa mga akusado na gumahasa kay Maggie dela Riva.
Bilang pagtatapos nais kong sumalungat sa sinasabi ni Senator Manny Pacquiao na si Kristo ay napatawan ng death penalty dahil ipinako sa Krus. Tila baluktot yata ang interpretasyon nito sa bibliya.
Si Kristo ay nagkatawang lupa at sa kagustuhan ng Panginoon na matupad ang pangako niya na buksan ang pintuan ng langit ay inialay niya ang kanyang kaisa-isang anak para iligtas ang sanlibutan at muling makapasok sa paraiso.
SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal maaari kayong magtext sa 09198972854, 09051090451 at sa gustong maka-usap ako ng diretso sa 710-3618.
Maaari din po ninyong i-like ang www.facebook.com/tonycalvento o i-type na rin ng diretso sa Facebook sa Tony A. Calvento at mag-iwan ng mensahe para sa inyong mga problema.
Hotline: 09198972854
Tel. No.: 7103618