EDITORYAL - May nagugutom kahit malago ang ekonomiya
NOONG third quarter ng nakaraang taon, naire-histro ang 7.1 percent na paglago ng ekonomiya. Tinalo ng Pilipinas ang China, Indonesia, Malaysia at Vietnam. Ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA), ang paglago ay dahil sa malakas na performance ng real state, trade at manufacturing.
Pero nang mag-surbey ang Social Weather Stations (SWS) noong Disyembre 3-6, 2016, umabot sa 3.1 milyon (13.9 percent) ang nagsabing sila ay nagutom sa huling tatlong buwan ng 2016. Mas mataas ito ng bahagya noong 2015 sa kaparehong period. Mas mataas ang nakaranas ng gutom sa Visayas, 16.7 percent at sinundan ng Luzon 15 percent; Metro Manila, 13 percent at Mindanao, 10 percent.
Nakapagtataka ito na malago ang ekonomiya pero may mga nakakaranas ng gutom. Gawa-gawa lang ba ang pagsipa ng ekonomiya na tinalo pa ang mga katabing bansa. Sabi ng Malacañang, sa kabila ng kampanya ng Duterte administration sa illegal na droga, nakapagmamalaki na sumisipa ang ekonomiya at magpapatuloy pa raw ang paglago nito ngayong 2017.
Nangyari na rin ang paglago ng ekonomiya noong 2013 sa ilalim ni Pres. Noynoy Aquino. Umabot sa 7.8 percent sa unang quarter pa lamang. Pinakamataas sa iba pang bansa sa Southeast Asia. Maayos daw kasi ang pamamahala ng Aquino administration.
Sino ang hindi matutuwa sa mabilis na paglago ng ekonomiya ng bansa. Lahat ay may gusto nito. Ibig sabihin kapag malago ang ekomiya ang makikinabang ay karaniwang mamamayan. Pero balot na balot ng pagtataka ang mamamayan sapagkat hindi nila maramdaman ang sinasabing paglago ng ekonomiya. Wala silang malasap sa pang-araw-araw na pamumuhay. Mataas ang gasolina at hindi bumababa ang pasahe. Mahal na presyo ng mga pangunahing pangangailangan. Marami ang walang trabaho at patuloy ang pag-alis ng mga OFW para maghanapbuhay sa ibang bansa.
Bakit hindi malasap ng mamamayan ang paglago ng ekonomiya? Bakit marami pa rin ang nagugutom, namamalimos sa kalye at mga pintuan ng simbahan?
- Latest