MULA 1971 hanggang 1975 ay natira ako sa Malolos, Bulacan kaya ang lalawigang ito ay naging napakamakabuluhang pook para sa akin. Dito isinilang ang unang Republika na naakda ang Saligambatas ng Republika ng Pilipinas.
Dahil dito ay nananawagan si Bulacan 1st Rep. Jose Antonio R. Sy-Alvarado sa Senado na ikunsidira ang panukalang batas (house bill no. 477) o “First Philippine Republic Day”. Sa panukalang ito, idedeklara ang Enero 23 ng bawa’t taon bilang special working holiday, para gunitain ang deklarasyon ng Unang Republika sa bansa.
Sa isang talumpati sa kamara, sa paggunita ng 118 taon ng unang republika sa Bulacan, sinabi ni Alvarado na “Ibalik po natin sa mga pahina ng ating pambansang alaala ang diwa ng Unang Republika at muli nating italaga ang ika-23 ng Enero sa pambansang dambana ng mga dakilang araw ng kasaysayan sa puso’t isipan ng ating magiting na sambayanan”.
Sinabi ni Alvarado na kung nagawa ng Kongreso Filipina na iluwal ang Unang Republika noong ika-23 ng Enero, 1899 para sa lalong ikadadakila ng sambayanang Pilipino, magagawa rin ng ika-labimpitong Kongreso ng Pilipinas na muling irehistro ang kapanganakan ng ating Republica.
Iginiit pa ng mambabatas na napakayaman ang kasaysayan ng bansa at sa sobrang yaman nito ay maraming isinilang na bayani na nagbuwis ng kanilang buhay at ito pong kabayanihang ito ay maranasan ulit ng mga kabataan upang ang susunod na saling lahi ay tunay na magmahal sa bansa.
Hinikayat ni Alvarado ang mga senador na dagdagan pa ang pagiging makabayan sa pamamagitan ng pagbibigay halaga sa mga pangyayari sa kasaysayan ng bansa.
Ang paggunita ng Unang Republika ay ginugunita lamang ng lalawigan ng Bulacan sa halip na buong bansa dahil ito ay bahagi at mahalagang kasaysayan ng bansa.
Ang panukalang batas ay pinagtibay na sa ikatlo at huling pagbasa sa kamara na inakda ni Rep. Alvarado na ikalawang ulit ding ipinasa sa mga nakalipas na Kongreso.