MARAMING nagulat sa biglaang pagbitay sa OFW na si Jakatia Pawa sa Kuwait noong Miyerkules ng tanghali. Pati ang mga anak at kapatid ni Jakatia ay hindi makapaniwala sapagkat ang alam nila pinigil ang ruling ng lower court sa kaso noong April 2008 sapagkat hindi nag-match ang fingerprint ni Jakatia sa crime scene. Pero nang si Jakatia ang tumawag sa kanila nang madaling araw ng Martes at nagpapaalam na, hindi nila malaman kung bakit nangyari ang ganito. Sabi ng kapatid na lalaki ni Jakatia, nagpaalam na raw ito sa kanya. Naka-eskedyul na umano ang pagbitay sa kanya. Ipinagbilin daw nito na alagaan ang dalawang anak na edad 18 at 13. Ang asawa ni Jakatia ay yumao na.
Dakong 3:19 ng hapon sa Pilipinas, kumalat ang balitang binitay na si Jakatia sa Kuwait. Inihayag ng Department of Foreign Affairs (DFA) na isinagawa na ang pagbitay kay Jakatia sa kabila na ginawa lahat ng pamahalang Pilipinas ang paraan para mailigtas ito sa parusa. Hindi umano tinanggap ng pamilya ng biktima ang “blood money” mula kay Jakatia. Ayon sa report, napatay ni Jakatia ang 22-anyos na anak na babae ng kanyang amo habang ito ay natutulog. Pinagsasaksak umano ito ni Jakatia.
Ayon naman sa kapatid ni Jakatia, na-frame-up lamang ito. Ang totoong pumatay sa babae ay ang mismong ina nito sapagkat nahuling nakikipagtalik sa boyfriend nito. Para makalibre sa krimen, si Jakatia ang tinurong pumatay sa anak. Pinagtibay ng Kuwait Court of First Instance ang hatol kay Jakatia. Sinabi ng DFA na nirerespeto nila ang batas ng Kuwait.
Marami nang OFW ang naparusahan ng kamatayan sa iba’t ibang bansa. Halos katulad din ng kaso ni Jakatia ang nangyari kay Flor Contemplacion na binitay sa Singapore noong 1995. Hindi natulungan si Flor. Huli na nang malaman ng pamahalaan ang pagkukulang. Kung kailan malapit nang bitayin saka nagkumahog.
Sa kaso ni Jakatia, ginawa naman daw ang lahat nang paraan. Ang nakapagtataka lang, nauna pang malaman ng pamilya ang pagbitay gayung dapat ay na-monitor ito ng embahada sa Kuwait. May pagkukulang ba uli sa OFW? Tsk-tsk-tsk. Kawawang mga OFW na nangibang bayan para doon mamatay.