GRABENG baha ang naranasan sa Cagayan de Oro City at maraming lugar sa Northern Mindanao noong Lunes. Low pressure area (LPA) ang dahilan nang grabeng pagbaha. Nasorpresa ang mga residente sapagkat sa isang iglap ay tumaas ang tubig at marami ang na-stranded. Ang mga estudyante ay inabutan ng baha sa kani-kanilang school kaya hindi nakauwi. Ang mga namamasyal sa mall ay hindi makalabas sapagkat hanggang dibdib ang tubig. Maraming sasakyan sa parking area ng mall ang nalubog sa baha at ang ilan ay nagpalutang-lutang. Huling naranasan ang matinding pagbaha sa Cagayan de Oro noong 2011 nang manalasa ang Bagyong Sendong. Pero sabi ng ilan, mas matindi ang baha ngayon na kanilang naranasan sapagkat wala namang bagyo pero napakabilis tumaas ng tubig. Sa isang iglap ay naging “water world” ang CDO at iba pang bayan sa Northern Mindanao. Sa pinakahuling report, anim na ang namatay dahil sa landslides na dinulot nang pagbaha.
Dalawa ang itinuturong dahilan kaya nagkaroon nang matinding baha sa CDO at marami pang lugar sa Northern Mindanao. Una ay barado ang mga drainage at ikalawa ay ang grabeng illegal logging na nangyayari sa lugar. Hindi umano maayos ang pagkakagawa ng mga drainage sa CDO at nabarahan ang mga ito ng semento na galing naman sa mga construction projects. Natuyo umano ang semento sa drainage kasama ng iba pang non-biodegradable materials kaya walang madaanan ang tubig-baha.
Marami naman ang naniniwala na dahil sa illegal logging kaya nagkaroon nang matinding baha. Kalbo na ang mga gubat sa CDO at iba pang bayan sa Northern Mindanao kaya wala nang pumipigil sa tubig. Dahil sa walang tigil na pag-ulan, ang tubig mula sa bundok ay rumagasa sa kapatagan na naging dahilan nang pagkawasak ng mga bahay lalo na ang mga nasa gilid ng mga ilog at sapa.
Madali namang paniwalaan na ang dalawang problemang nabanggit ang parehong dahilan. Pero nangyari ito dahil na rin sa kagagawan ng tao. Walang ipinagkaiba sa nangyayari sa Metro Manila na kaunting ulan lang ay baha na agad. Maraming walang disiplina sa pagtatapon ng basura at marami ring gahamang loggers kaya patuloy ang pagbaha. Hindi ito masosolusyunan kung magpapatuloy ang pagwawalambahala ng pamahalaan.