Utak Digong

ITO ang utak na mahirap basahin dahil pabagu-bago ang takbo: Utak ni Presidente Duterte. Kaya ang mga tagapayo niya ay natataranta sa mga  kontrobersyal na pahayag na ginagawa niya. Hindi malaman kung paano itutuwid. Minsan sasabihing ayaw niya ng martial law, tapos sasabihin na magdedeklara siya ng martial law. Tapos, kapag nalathala ang balita, babatikusin ng Palasyo ang “maling interpretasyon” ng mga reporters at editors.

Katulad ng ipinahayag ni Duterte sa harap ng mga negos­yante kamakailan lang. Aniya, puwede niyang ideklara ang batas militar kung kapakanan ng bayan ang nakasalalay. Dugtong pa niya, kahit Korte Suprema ay walang magagawa kapag ipinasya niyang gawin ito. Malalim ang kahulugan niyan.

Puwede naman talagang ideklara ang martial law sa ilalim ng Konstitusyon, pero sa limitadong panahon lang at hindi pambuong bansa. Iyan ang nilalaman ng kasalukuyang Konstitusyon na binago ng taumbayan matapos mapatalsik si Marcos sa kapangyarihan noong 1986. Sa bagong kalakaran, hindi ito puwedeng ideklara ng Presidente nang walang pag-sangayon ang Kongreso. Pero alam natin na kung gugustuhin ng isang tigasing leader, puwede niyang gawin ito. At talagang tigasin ang Pangulo natin.

Si Marcos nga ay umimbento ng mabigat na dahilan para maideklara ang martial law na naghari sa bansa sa loob ng 20-taon. Ngunit bago sana gawin iyan ni Duterte, pakinggan niya ang tinig ng taumbayan. Ayon sa survey ng Pulse Asia, 74 porsyento ng mga Pilipino ang inaayawan ang martial law.

Bagamat may magandang epekto ang pagdedeklara ng martial law ni Marcos noon, mas nakalalamang ang pinsalang ginawa nito. Iniwanan ni Marcos ang Pilipinas na halos bangkarote, kahit pa sabihing marami siyang imprastrukturang naipagawa.  Kasi nga ay lubhang nagtagal at nagmistula nang hari ang Presidente na kahit ano ang balaking gawin ay ubrang gawin nang walang tumututol. Sabi nga ng lumang kasabihan sa pulitika: “absolute power corrupts absolutely.”

Show comments