IKATLO ang illegal gambling sa mga wawasakin ni President Rodrigo Duterte. Una ay ang illegal drugs at ikalawa ang corruption sa mga tanggapan ng pamahalaan. Nagtatagumpay na ang kampanya sa illegal na droga at mayroon na ring nakikitang positibo sa pagsugpo sa corruption. Ngayon, ang illegal na sugal naman ang haharapin ni Duterte, partikular na ang jueteng na daan-taon nang namamayani sa komunidad. Kadalasang sa mga mahihirap na lugar sa bansa laganap ang jueteng. Mayroong ang ibibili ng bigas at sardinas ay natutukso pang itaya sa jueteng sa pag-asang mananalo pero kadalasang talo ang mananaya.
Lumikha na ng task force on illegal gambling si Duterte para i-overhaul ang small-town lottery (STL) na nagiging front ng jueteng, masiao, two balls at iba pang illegal na sugal sa bansa. Si Justice Secretary Vitaliano Aguirre ang pinuno ng task force kasama sina Executive Sec. Salvador Medialdea at Finance Sec. Carlos Dominguez. Plano ng task force na wakasan na ang mga illegal na sugal sa bansa.
Sana, totoo na ang kampanyang ito sa ilalim ni Duterte. Sana mawakasan na ang jueteng na ang gambling operators lamang ang nakikinabang at yumayaman. Ang mga mananaya na isang kahig, isang tuka ay lalo lamang malulubog sa kumunoy ng kahirapan.
Masisisi ang gobyerno ni Pres. Gloria Macapagal-Arroyo sapagkat sa kanyang termino nagsimula ang Small Town Lottery na ang layunin ay para raw matigil ang jueteng. Pero hindi nagkatotoo sapagkat lalo pang namayagpag dahil ginawang front ng jueteng operators. Kumamal ng pera ang governor, mayor, vice mayor, pati barangay officials at lalo na ang mga matataas na opisyal ng Philippine National Police (PNP).
Nangako naman si dating President Aquino na bubuwagin na ang STL at papalitan ng Loterya ng Bayan. Ang Loterya raw ang tatapos sa pamama-yagpag ng jueteng. Wala ring nangyari sa plano. Lalo lang nabuhay ang jueteng.
Ngayon ay ang pangako naman ni Digong na wawakasan na ang jueteng. Sana, totoo na ito.